Hindi kailangan ng isang magaling na maghuhula para magkaroon ng prediksiyon na magpapatuloy sa 2022 ang pamamayagpag ng mga sexy movies.
At sa streaming platforms manonood ang mga Pinoy dahil marami pa rin ang takot na pumasok sa mga sinehan dahil sa banta ng COVID-19.
Besides, ang genre na ito ay mas akmang panoorin sa personal time at space.
Bago natapos ang 2021, gumawa ng ingay ang Taya, Nerisa, My Husband, My Lover, Mahjong Nights, Pornstar 2, Palitan, at ang ibang mga pelikulang palabas sa Vivamax dahil sa mga makatotohanang love-making scenes at pagiging palaban sa paghuhubad ng mga baguhang artista.
Hindi natatapos sa Palitan at Pornstar 2 ang mga matitindi na bold scene dahil hinigitan ito ng mga maseselan na eksena nina Vince Rillon, Christine Bermas, at Ayanna Misola, ang lead stars ng Siklo, na tribute ng direktor na si Roman Perez, Jr. sa mga delivery rider.
Personal na napanood ng writer ang pelikula, at panggulat talaga ang ilang eksena ng tatlo sa Siklo
Isa si Roman sa mga direktor na mukha ng Vivamax dahil tinangkilik ng manonood ang lahat ng mga pelikula niya—mula sa The Housemaid, House Tour, at Taya.
Dahil dito pinapirma siya ng Viva Films ng exclusive contract na nangangahulugang may siguradong trabaho siya sa loob ng limang taon, at 20 movies ang kanyang gagawin.
Ang tagumpay ni Roman bilang direktor ay bunga ng kanyang sipag, tiyag, at mahusay na pakikisama sa lahat ng mga nakakatrabaho niya.
Hindi naging madali para kay Roman na marating ang kinaroroonan niya ngayon dahil nagsimula siya bilang personal assistant hanggang maging assistant director at, sa wakas, direktor ng mga television series ng GMA-7 at ABS-CBN.
Sa kabila ng tagumpay na tinatamasa, may pressure na nararamdaman si Roman at ito ang kanyang ipinagtapat sa Cabinet Files.
"Lagi kong iniisip ngayon, dapat mahigitan ko yung success ng Taya. Kung all-time high ang Taya, parang dapat palaging mas mataas sa Taya yung kailangan mong talunin."
Bida sa Taya sina AJ Raval at Sean De Guzman.
Sa pagpapatuloy ni Roman, "Pero ayokong isipin na kalabanin yung ego ko kasi ego lang iyon. Okay lang na magkamali. Okay lang na hindi masyadong number one ang pelikula, pero nagmamarka sa tao at nagkakaroon ng kuwento yung mga hindi naikukuwento."
May kuwento naman si Roman tungkol sa istorya ng kanyang latest movie project.
"Sa Siklo, confident ako na kuwento ito ng mga delivery rider. Para ito sa riders na malaking fandom ng Vivamax.
"Habang naghihintay sila ng mga order na ide-deliver nila, nanonood muna sila ng Taya, nanonood ng The Housemaid at House Tour.
"So gumawa ako ng kuwento tungkol sa kanila. Ikuwento naman natin yung Grab delivery drivers na nabuo ang industriya sa Pilipinas ngayong pandemic.
"Ikukuwento ko naman sila kaya nabuo ang Siklo,” ang detalyado na pahayag ni Roman, na malayo na ang narating mula nang makilala namin siya bilang personal assistant at pinagkakatiwalaan ni Eric Quizon noong aktibo pa ito bilang direktor sa telebisyon at pelikula.