Opisyal na ang pagiging "Kapatid" ni Julius Babao.
Magsisimula sa January 17, 2022 ang kanyang partisipasyon bilang bagong anchor ng Frontline Pilipinas, ang primetime newscast ng TV5 na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 5:30 p.m.
Si Julius ang ipinalit ng TV5 kay Raffy Tulfo, ang pioneer anchor ng Frontline Pilipinas. Nagpaalam si Raffy sa programa noong October 1, 2020 dahil sa kanyang senatorial bid para sa 2022 elections.
Si Cheryl Cosim ang isa sa anchor ng Frontline Pilipinas, na magsisilbing television reunion nila ni Julius dahil dating magkasama ang dalawa sa ABS-CBN News.
Pormal na nagpaalam si Julius sa TV Patrol noong December 31, 2021, makalipas ang dalawampu’t walong (28) taong pagiging Kapamilya.
Nayong Biyernes ng hapon, January 7, inilabas ng TV5 ang teaser video ng pagpasok ni Julius sa Kapatid Network.
Nakasaad sa teaser: “Matapang na mamamahayag, hatid ay nagbabagang balita at paglilingkod sa bayan. Beteranong journo, may alam at pakialam ang bagong kasangga ng Frontline Pilipinas. Kilalanin sa January 17, dito sa TV5.”
Hindi muna pinangalanan si Julius pero malinaw na siya ang tinutukoy dahil sa initials ng kanyang pangalan na ginamit na clue.
Sa pagpasok ni Julius sa TV5, nabuo na niya ang pagiging Kapatid, Kapamilya, at Kapuso.
Sa mga hindi nakakaalam, nag-umpisa ang career ni Julius bilang broadcast journalist sa GMA-7 noong 1990 bago siya lumipat sa ABS-CBN noong 1993.