Personal na nasaksihan ni Marco Gumabao ang pagkakaroon ng sunog dahil sa fireworks at confetti sa coronation night ng Miss Kuyamis 2022, sa 9th Kuyamis Festival ng Misamis Oriental, noong January 13, 2022.
Mabilis namang naapula ang apoy ng security personnel.
Si Marco ang invited celebrity host sa Miss Kuyamis 2022 beauty pageant.
Ito ang kuwento ng aktor tungkol sa insidenteng nakunan ng mga video:
“Nasa stage pa ako nun and still facing the crowd, biglang pagtingin ko sa kaliwa, nasusunog na yung confetti dahil sa electric fireworks.
“Nakita ko na medyo malaki yung sunog, kaya bumaba agad ako ng stage.
“Mabilis naman nila na-control yung sunog so nothing to worry about. Ganoon talaga kainit sa stage dahil lahat ng candidates ay deserving manalo.
"Congrats Miss Kuyamis for an amazing show."
Makikita sa viral video ng coronation night ng Miss Kuyamis 2022 na hindi umalis sa stage ang ibang mga kandidata.
Imbes na mag-panic o magpakita ng takot, nagsasayawan pa ang iba sa kanila habang pinapatay ang apoy ng mabilis na nagresponde na security personnel.
Si Annabelle Mae McDonnell ang itinanghal na Miss Kuyamis 2022.
First runner-up si Jimema Tempra, second runner-up si Vanessa Dulay, third runner-up si Nice Lumpad, at fourth runner up si Natazha Vea Bautista sa beauty pageant na literal na nag-apoy matapos koronahan ang nagwagi.