Ngayong Miyerkules, February 23, 2022 ang 25th birthday ng Mano Po actor na si Darwin Yu, pero hindi mahahalata sa kanyang mukha ang tunay na edad dahil mas bata ang hitsura niya.
Simple lamang ang magiging pagdiriwang ngayon ng kaarawan ni Darwin.
Sabi niya, “Plano ko po ngayon, I want to celebrate with my family. Salo-salo lang sa bahay namin, at the same time, sabay-sabay kaming manonood ng Mano Po.
“What I’ve learned simula nung nag-pandemic na sobrang important ng family that’s why I want to celebrate and bond with them palagi.
“As much as I want to celebrate with friends and colleagues, mas pipiliin ko muna yung safety.”
Ano ang mga kahilingan mo para sa 25th birthday mo?
Sagot ni Darwin, “More projects at maging healthy ang lahat. Sana maka-work ko uli sina Rob Gomez at Dustin Yu, kahit ibang project.
“Sana maka-work ko rin si Direk Erik Matti at ang Reality MM Studios. Gusto ko katulad ni Rob Gomez, nakatrabaho niya si Direk Erik sa A Girl & A Guy.”
Nagpapasalamat si Dustin sa GMA-7, Regal Entertainment Inc. at Virtual Playground dahil nabigyan siya ng pagkakataong maging bahagi ng Mano Po Legacy: The Family Fortune, ang top-rating drama series na magwawakas sa darating na Biyernes, February 25.
Walang maisip si Darwin na reward para sa sarili mula sa talent fee niya sa Mano Po dahil, diumano, naging magastos siya.
“Gusto ko makapag-ipon na! Hahaha! Lately, marami akong nagagastos and medyo immature ako noon.
“Pagdating sa talent fees, gastos agad kaya ngayon, mas gusto kong mag-ipon for my future. I’m planning to put up a small business at nasa conceptualization process na ako so hopefully masuportahan po ako,” ani Darwin.
VICTIM OF BASHING
Naranasan ni Darwin na maging biktima ng bashing, pati na ang kanyang kaibigan at Mano Po co-star na si Dustin Yu, dahil nawala ang salitang “if “ sa sagot ni Dustin tungkol sa posibilidad na pagpapalit nila ng screen name dahil nalilito ang mga tao sa kanilang magkatunog na pangalan at magkaparehong apelyido.
“But for me, walang dapat palitan because I think, IF kilala naman po talaga kami ng mga tao kaya hindi sila mako-confuse,” sagot ni Dustin.
Pero na-omit ang "IF" kaya pareho sila ni Darwin na binatikos ng netizens at pinaratangang mayayabang.
Read: Dustin Yu, walang balak magpalit ng screen name dahil sa kapwa Regal baby na si Darwin Yu
Pero imbes na makasira, naging pabor pa kina Darwin at Dustin ang honest mistake na nangyari sa artikulo tungkol sa kanilang dalawa. Sila mismo ang nagsabing nadagdagan ang bilang ng kanilang social media followers, isang patunay na nakatutulong sa mga artista ang mga negative issue na kinasasangkutan para mabilis na makilala at magmarka sa isip ng publiko.
“Nadagdagan po ng 150 to 200 hundred ang social media followers ko,” testimonya ni Dustin.
Naniniwala naman si Darwin na, sinasadya man o hindi, nakatutulong talaga sa mga artista ang kontrobersiya.
Saad niya, “Kapag nagkamali, people will judge you and discriminate you, pero ang importante naggo-grow tayo.
“Pinasok namin ang showbiz and alam namin na it’s package deal na magkakaroon ng mga isyu. Sinasadya man o hindi, magkakaroon talaga ng controversy."
Dagdag niya, “I fully trust our management po if ever papalitan yung name ng isa sa amin or ako po. Magiging thankful ako because I’m still Darwin kahit na palitan ang screen name.”
Likas na mahusay na aktor si Darwin kaya nagkaroon agad ito ng best actor nomination sa Madrid International Film Festival noong 2018 para sa unang indie movie niya, ang 1st Sem.