Nagsimula ang lock-in taping ng Raising Mamay sa Orani, Bataan noong nakaraang Biyernes, February 25, 2022.
Ang Raising Mamay ang upcoming drama series ng GMA-7 na tinatampukan ni Ai-Ai Delas Alas at ng love team nina Shayne Sava at Abdul Raman.
Kakaiba ang lock-in taping ng Raising Mamay dahil walang uwian o hindi puwedeng umuwi sa kanilang mga tahanan sa loob ng dalawang buwan ang cast at production staff.
Naranasan na ni Ai-Ai ang lock-in taping para sa Owe My Love noong 2021, pero kakaibang karanasan sa kanya ang lock-in taping ng Raising Mamay dahil dalawang buwan na hindi sila maaaring umalis sa set.
Mahirap at mapanghamon ang karakter na ginagampanan ni Ai-Ai sa bagong drama series kaya pabor sa kanya ang pangmatagalang taping dahil, diumano, mapag-aaralan niya nang husto ang karakter na ipinagkatiwala ng Kapuso Network.
Pahayag niya sa Cabinet Files, “Super effort talaga ako. Ayokong sayangin ang pagkakataon na ibinigay ng GMA-7 dahil ang ganda-ganda ng role.
“Maraming artista ang walang trabaho kaya masuwerte ako at ang mga kasamahan ko sa Raising Mamay.
“Touched na touched ako sa pag-aalaga sa akin ng production staff at ng make-up artist na ipinagdarasal akong huwag magkasakit dahil nakasalalay nga sa akin ang kuwento.
"Kaya lalo kong ginagalingan ang pag-arte ko, hindi lang para sa akin kundi para sa lahat ng mga kasamahan ko sa project.
“Mahihirap ang mga eksena ko kaya bago mag-taping, nagdarasal muna ako kay Lord para gabayan niya ako.”
Sanay na sanay na si Ai-Ai gumanap na nanay dahil sa Ina Montecillo character sa successful franchise ng Tanging Ina.
Pero ibang-iba umano ang kanyang role sa Raising Mamay na ikagugulat ng viewers na tiyak na maninibago kaya ipinagmamalaki niya ang bagong TV assignment.