Watch Now

Ina ng nalunod na Thai actress na si Tangmo, tinanggap ang 30M baht areglo

by Jojo Gabinete
Mar 4, 2022
tangmo thai actress
Sumakabilang buhay angf Thai actress na si Nida “Tangmo” Patchavareeapong matapos mahulog sa speedboat sa may Chao Phraya River noong February 24, 2022. Natagpuan ang kanyang lumulutang na bangkay makalipas ang dalawang araw.
PHOTO/S: @melonp.official

Malaking balita sa Thailand at sa ibang panig ng mundo ang pagpanaw ni Nida “Tangmo” Patchavareeapong.

Binawian ng buhay ang 37-year-old Thai actress dahil nahulog siya mula sa speedboat na sinasakyan habang binabaybay nito ang Chao Phraya River noong gabi ng February 24, 2022.

Lima ang kasama ni Tangmo sa speedboat nang mangyari ang trahedya — ang kanyang manager na si Idsarin "Gatick" Juthasuksawat; mga kaibigang sina Wisapat "Sand" Manomairat at Nitas "Job" Kiratisoothisathorn; ang may-ari ng speedboat na si Tanupat "Por" Lerttaweewit; at ang nagpapatakbo sa speedboat na si Phaiboon "Robert" Trikanjananun.

Ayon sa salaysay ni Wisapat, pumunta si Tangmo sa rear end o dulo ng speedboat para umihi, pero nahulog umano ang aktres mula sa lugar na kinaroroonan nito.

Sinabi ni Wisapat sa mga imbestigador na hinahanap niya ang kanyang cellphone nang hawakan siya ni Tangmo sa binti bago ito nalaglag sa ilog.

Natagpuang lumulutang sa Chao Praya River ang bangkay ni Tangmo noong February 26, o tatlumpo’t walong (38) oras matapos mangyari ang sakuna.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi naniniwala ang ina ni Tangmo na si Panida Siriyudthayothin na aksidente ang nangyari dahil, diumano, malakas ang kutob niyang biktima ng foul play ang kanyang anak.

Sinabi ni Panida sa mga panayam sa kanya na posibleng may nakaaway si Tangmo habang nakasakay sa speedboat.

Hindi rin niya matanggap na magagawa ni Tangmo na umihi sa dulong bahagi ng speedboat dahil, ayon sa kanya, “Tangmo was a star. It's hard to imagine her going to the rear of the boat for that.”

Operating an unlicensed vessel ang reklamong isinampa laban sa speedboat owner na si Tanupat.

Negligence leading to death naman ang demanda laban sa speedboat driver na si Phaiboon.

tangmo mother

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

THE BIG TWIST

Pero ngayong Biyernes, March 4, nagkaroon ng malaking twist ang kaso nang patawarin ng ina ni Tangmo ang dalawang akusado dahil tatanggapin niya ang 30 million baht (P47.5 million sa Philippine currency) bilang areglo.

Base sa pahayag ni Panida sa isang television interview, pinatawad na niya sina Tanupat at Phaiboon.

Ayon kay Panida, isang araw matapos mawala si Tangmo ay tinawagan siya ni Tanupat sa telepono at humingi sa kanya ng paumanhin.

Galit na galit umano siya kay Tanupat pero araw-araw itong tumatawag sa telepono, humihingi ng paumanhin, at nangakong aalagaan siya tulad ng pag-aalaga na ginagawa sa kanya noon ni Tangmo.

"He promised to take care of me as well as [Tang] Mo did. I forgive him because he has consistently tried to contact me and he knows I am hurting," lahad ni Panida.

Inamin ng ina ni Tangmo na tatanggapin niya ang kabayarang ibibigay ni Tanupat na kanyang kinuwenta o binilang, base sa mga kikitain ni Tangmo kung nabubuhay pa ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Let's say if Mo earned one million baht from a TV series. If she had lived for 30 more years, I could multiply that sum by 30. This still excludes lost income from photo sessions as a model," sabi ni Panida sa panayam sa kanya sa telebisyon na inilathala ng Bangkok Post.

Pinatawad na rin ni Panida ang driver ng speedboat dahil ito ang madalas na kasama ni Tanupat sa pakikipagkita sa kanya, pero galit pa rin siya sa ibang mga kasamahan ni Tangmo na saksi sa mga pangyayari.

Kinamumuhian at umaani ngayon ng mga batikos si Panida mula sa kanyang mga kababayan dahil sa pasyang tanggapin ang pera mula kay Tanipat.

Nagpahayag din ng pagkadismaya sa inasal niya ang isa pang anak ni Panida na si Dayos Dechjob, na nag-post sa Facebook page nito ng “Disappointed.”

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Sumakabilang buhay angf Thai actress na si Nida “Tangmo” Patchavareeapong matapos mahulog sa speedboat sa may Chao Phraya River noong February 24, 2022. Natagpuan ang kanyang lumulutang na bangkay makalipas ang dalawang araw.
PHOTO/S: @melonp.official
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results