Para sa ikapapayapa ng kanyang buhay, binura na ni Sharon Cuneta ang mga social media post nito tungkol sa pagkanta ni former Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo sa original song niyang "Sana’y Wala Nang Wakas."
Naging dahilan ito para makatikim ng mga batikos si Sharon, pero patuloy na inaawit ng senatorial aspirant sa mga campaign sortie ang nabanggit na kanta.
Dati-rati, inihahandog ni Panelo sa anak na si Carlo na may Down syndrome at pumanaw noong January 2017 ang spiels ni Panelo bago nito awitin ang "Sana’y Wala Nang Wakas."
Pero mula nang magprotesta si Sharon, iniialay na rin niya sa Megastar ang kantang tila hindi pa mawawakasan ang isyu hangga’t hindi natatapos ang halalan sa May 9, 2022.
Hindi maipagkakaila ang fascination ni Panelo kay Sharon dahil ang mga kanta nito ang kanyang mga paboritong awitin.
Sinabi ni Panelo na "Sharonian" siya nang i-repost nito sa kanyang official Facebook page ang report ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong March 11 tungkol sa pag-awit niya ng "Ikaw "sa harap ng cremated remains ni Carlo noong January 2017.
Tulad ng "Sana’y Wala Nang Wakas," si Sharon ang nagpasikat sa "Ikaw," na isa nang popular wedding song.
Ang "Ikaw" ang original soundtrack ng Ikaw, ang pelikula nina Sharon at Ariel Rivera sa Viva Films noong 1993.
But wait there’s more...
Inihayag ng kampo ni Panelo na, diumano, magkakaroon siya ng bagong album sa Viva Records at ngayong Huwebes, March 17, ang recording niya para sa cover version ng "Sana’y Wala Nang Wakas" na magiging available sa music streaming services na Apple Music at Spotify.
Para sa ikalilinaw ng isyu, tinanong ng Cabinet Files si Punch Liwanag, ang advertising at promotions manager ng Viva Records, tungkol sa album na gagawin ni Panelo.
“We are unaware of any new recording Secretary Sal has with Viva Records. Secretary Sal only has one song recorded and released last year,” sagot ni Liwanag.
Ang "You Are The Love of My Life," na original composition ni Panelo, ang tinutukoy ni Liwanag.
Si Panelo ang producer ng "You Are The Love of My Life" at ang Viva Records ang distributor ng kanta na ni-release noong August 2021.
Mapapanood sa YouTube channel ng Viva Records ang music video ng original song ni Panelo, at kinunan ang mga eksena nito sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan.