Nagkataon lamang at hindi sinadya na halos magkasabay lumabas ang exclusive interview ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Bunny Paras tungkol sa kawalan ng partisipasyon ni Mohan Gumatay, aka DJ Mo Twister, sa pagpapalaki sa biological daughter nitong si Moira at sa anti-Bongbong Marcos post ng DJ-host.
Naganap ang two-part interview ng PEP.ph kay Bunny noong Holy Tuesday, April 12, 2022.
Lumabas ang unang bahagi nito sa PEP.ph noong April 15.
Read: Bunny Paras so proud of daughter Moira for rising above her disability
Kahapon, April 20, naman inilathala ang ikalawang parte nito.
Ang second part ng panayam namin kay Bunny ang ginagamit ng ilang netizens sa pagbatikos kay DJ Mo dahil sa opinyon nito tungkol sa presidential candidate na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Magkasunod na tweets ni DJ Mo kahapon:
“[Bongbong] Marcos doesn’t want to go to debates because he’s never been to a job interview. He’s never been an employee.
“Never been an employer. Never been accountable. Never had to answer to anyone but his dictator father. So why would he go to a job interview for our country.”
"At least he didn’t lie. He could have told the truth and said, 'I can’t be trusted.'
"But he didn’t, he evaded the question. At least he didn’t lie."
Ang mga tweet na ito ni DJ Mo ang naka-trigger o nakasaling sa damdamin ng BBM supporters na ginamit ang artikulo ng PEP.ph para kontrahin ang kanyang paniniwala.
Narito ang ilang personal na batikos ng ilan sa BBM supporters laban sa kanya:
Kaugnay nito, nililinaw naming walang kinalaman sa political tweet ni DJ Mo ang artikulo ng PEP.ph tungkol kay Bunny at sa kanilang anak na si Moira dahil naunang nangyari ang panayam sa dating aktres.