Dalawang bersiyon ng A Hard Day, ang 2014 South Korean blockbuster-action thriller film, ang mapapanood sa Netflix.
Nagsimula na kahapon, April 25, 2022, ang online streaming ng Philippine adaptation na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.
Una itong ni-release sa theaters sa 47th Metro Manila Film Festival (MMFF) noong December 25, 2021- January 7, 2022.
Ipinalabas naman sa Netflix noong February 2022 ang Restless, ang French adaptation ng A Hard Day na may French title na Sans Repit. May running time itong one hour at 36 minutes.
Bida sa Restless ang 43-year-old French actor na si Franck Gastambide na hindi nalalayo ang edad kay Dingdong.
Kumpara sa running time ng Restless, mas mahaba ang Philippine version ng A Hard Day dahil one hour and 56 minutes ang haba nito, kahit walang ipinagkaiba ang kuwento at mga eksena nito sa French adaptation.
Magkasunod naming pinanood ang Restless at ang A Hard Day sa Netflix kaya aming masasabi na mas maganda at entertaining ang Philippine adaptation dahil ibinagay ito ng direktor na si Lawrence Fajardo sa panlasa ng Filipino audience.
Kung pagbabasehan naman ang akting nina Franck at Dingdong, hindi hamak na mas mahusay ang pagganap na ipinamalas ng 41-year-old Filipino actor.
At para sa mga nagdududa, panoorin na lamang ninyo ang dalawang version ng South Korean action-thriller film para mapatunayan ninyong totoo ang aming obserbasyon at opinyon.
Ang A Hard Day ang unang pelikula ng Viva Films na ipinalabas sa mga sinehan sa panahon ng pandemic nang maging official entry ito sa 47th MMFF at isa sa mga maipagmamalaking proyekto ni Dingdong.