May hatid na lungkot at saya sa mga miyembro ng pamilya ng mga kumandidato sa katatapos na halalan dahil may mga nanalo at may mga nabigo.
Hindi na matutupad ang pangarap ni Senator Manny Pacquiao na maging pangulo ng bansa, pero ang kanyang kapatid na si Ruel Pacquiao ang nakatakdang umupo bilang gobernador ng lalawigan ng Sarangani.
Nanalo namang board member ng Sarangani ang bayaw ni Manny na si Russel Jamora, kapatid ni Jinkee, samantalang inaasahang mananalong mayor ng General Santos City ang kanyang hipag na si Lorelei Pacquiao.
Si Lorelei ang asawa ni Bobby Pacquiao, na magkakaroon ng bagong termino sa Kongreso bilang kinatawan ng OFW Family party-list.
Hindi nagtagumpay si Girlie Ejercito (Maita Sanchez) na muling mahalal na alkalde ng Pagsanjan, Laguna, pero pinalad ang kanyang anak na si John Paul Ejercito na manalo bilang konsehal ng kanilang bayan.
Si Girlie ang maybahay ng aktor na si Jorge Estregan, na kumandidatong alkalde ng Calamba City pero natalo rin.
Magkapareho ang kapalaran nila ng kanilang anak na si Jorge Jerico Ejercito, na nabigong makamit ang ambisyong maging bise gobernador ng Laguna.
Magbabalik si Dan Fernandez sa Kongreso bilang kinatawan ng lone district ng Santa Rosa City, Laguna.
Nagwagi namang board member ng unang distrito ng kanilang lalawigan ang anak nila ni Shiela Ysrael, ang aspiring actor na si Danzel Fernandez.
Waging-wagi sa Bacoor City Cavite ang pamilya Revilla.
Ang kapatid ni Senator Bong Revilla na si Strike Revilla ang nanalong mayor, at vice mayor nito ang kapatid nilang babae na si Rowena Bautista-Mendiola.
Ang asawa ni Bong, ang aktres at Bacoor City Mayor na si Lani Mercado, ang nahalal na bagong House Representative ng Bacoor.
Ang kanilang anak na si Jolo Revilla ang elected congressman ng unang distrito ng lalawigan ng Cavite.
Ang bunsong anak na lalake nina Bong at Lani na si Ram Revilla ang maglilingkod na board member ng second district ng kanilang probinsiya.
Ang eldest son nilang si Brian Revilla ang first nominee ng Agimat partylist na nasa ika-labindalawang puwesto sa listahan ng mga nakakuha ng pinakamataas na boto.
Magpapahinga muna sa public service si Hero Bautista dahil natalo ito sa kandidatura niya bilang konsehal ng 4th District ng Quezon City. Hinihintay pa ang resulta ng senatorial bid ng kanyang kapatid na si Herbert Bautista na nasa ika-14 na puwesto.
Inaabangan din ang mangyayari sa senatorial bid ng magkapatid sa ama na sina JV Ejercito at Jinggoy Estrada na nasa ika-sampu at ika-labingdalawang posisyon, respectively, dahil hindi pa tapos ang pagbilang sa mga boto.