Isa si Janno Gibbs sa mga artistang nalagasan ng followers kaugnay ng Eleksyon 2022.
Ardent supporter siya nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan.
Sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong May 11, 2022, sinabi ni Janno na nawalan siya ng 4,000 followers sa kanyang social media sa loob lamang ng isang gabi.
At umabot ito sa 5,000 matapos ang panayam sa kanya ng PEP.ph.
Ito ay dahil sa kanyang political views, pero nanindigan ang singer-actor na hindi niya pinagsisisihan ang kanyang mga social-media posts.
"I will never compromise my sentiments over approval especially for our country. Kaya nga tayo may social media, to express our true selves,” ang pahayag ni Janno sa PEP.ph.
Kahapon, May 13, kabilang si Janno sa libu-libong supporters nina Robredo at Pangilinan na dumalo sa thanksgiving event na ginanap sa Ateneo de Manila University grounds.
Masiglang-masigla ang 52-year old actor sa pagdalo nito sa nabanggit na okasyon dahil nawalan man siya ng 5,000 followers sa social media, 5,000 din ang naging kapalit.
“Grabe kayo Kakampinks!!! Nawalan ako ng 5K followers dahil sa prinsipyo ngunit pinalitan niyo ito ng 5K new followers sa loob lamang ng isang araw.
"Maraming salamat din sa mga di nang-iwan kahit iba ang inyong kulay. Respeto para sa inyo,” ang mensahe ng pasasalamat ni Janno sa bagong followers niya at sa mga hindi nang-iwan sa kanya.
At press time, meron nang 358,000 ang Instagram followers ni Janno, na isa lamang sa mga artistang binibigyang-oras ang pagsagot sa mga nagkokomento sa kanyang mga social-media posts.