Handa na si Manila City Mayor Isko Moreno na maging "Citizen Isko" matapos hindi palaring manalo sa presidential race na kanyang nilahukan noong May 9, 2022.
Plano ni Isko na magbakasyon kapag opisyal na natapos sa susunod na buwan ang kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Maynila.
Pero bago bumaba sa puwesto, dumalo siya sa ribbon-cutting, marker unveiling, at turnover ceremony ng Binondo-Intramuros Bridge na naganap nitong 4 p.m., Miyerkules ng hapon, May 18, 2022.
Nagkakahalaga ng PHP3.39 billion ang tulay na nagdurugtong sa Chinatown at sa makasaysayang lugar ng Intramuros. Nagkaroon ito ng katuparan dahil sa pakikipagtulungan ng pamahalaan ng China, Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., at ng City of Manila.
Ipinagmalaki ni Isko na siya ang humiling na lagyan ng viewing deck ang Binondo-Intramuros Bridge para mapagmasdang mabuti ng mga tao ang kagandahan ng naturang tulay.
"Pinalagyan ko ng viewing deck so the passersby will continue to appreciate the beauty of the bridge. Dahil napakaganda ng bridge, lagyan natin ng picture area. May bago na naman kayong spot.
"Meron kayong Arroceros Park, yung ginagawa ng DPWH na Esplanade, you have Bonifacio, you have Jones Bridge and the Philippine Chinese Friendship Bridge, and then you go here," sabi ni Isko sa mga sumaksi sa unveiling ng marker na matatagpuan sa south side ng Bureau of Immigration.
Umuulan nang idaos ang turnover ceremony ng Chinese government sa Binondo-Intramuros Bridge, pero hindi naging sagabal ang masungit na panahon para ihinto ang programang dinaluhan nina Isko at China Ambassador Huang Xilian.
"Sa Chinese culture, may maganda raw na dulot ang tag-ulan sa isang seremonya.
"Kami naman mga Pilipino, ang paningin namin ang ulan ay blessing [sa] another tourist spot sa Maynila,” sabi ni Isko.