Dalawang beses binalewala ni Jose Antonio Sanvicente ang show-cause order na inilabas ng Land Transportation Office (LTO) kaya kinansela ng naturang government agency ang kanyang driver’s license.
Si Sanvicente ang businessman na suspect sa pagbangga at pagsagasa sa Raptor security guard na si Christian Floralde sa insidenteng nangyari sa kanto ng Doña Julia Vargas Avenue at St. Francis Avenue, sa Mandaluyong City, noong June 5, 2022.
Read: Security guard, walang awang ginulungan ng driver ng isang RAV4 SUV
Ang Toyota RAV4 SUV na may plate number na NCO 3781 ang sasakyang minamaneho ni Sanvicente na bumangga at sumagasa sa biktima.
Malinaw na nakunan ng mga video ang insidente na mabilis kumalat at matibay na ebidensiya laban sa suspect.
Parehong hindi sinipot ni Sanvicente ang imbitasyon sa kanya ng Intelligence and Investigation Division ng LTO noong June 7 at June 10 para mabigyan siya ng pagkakataong makapagpaliwanag.
Ngayong Lunes, June 13, nagdesisyon ang LTO na kanselahin ang driver's license ni Sanvicente.
Permanente na siyang hindi makakakuha ng lisensya at hindi na maaaring magmaneho ng sasakyan dahil sa pagwawalang-bahala niya sa batas at show-cause order ng nabanggit na tanggapan.
Napag-alamang tatlong beses nang nasita si Sanvicente—noong 2010, 2015, at 2016—dahil sa reckless driving na "tantamount to the acts of an improper person to operate a motor vehicle" na isang pagsuway sa Land Transportation Code.
Bukod sa mga parusang ipinataw ng LTO, nagsampa ang Mandaluyong Police ng frustrated murder at abandonment laban kay Sanvicente dahil sa pagtakas nito matapos banggain at sagasaan si Floralde.
Ang programang Wish Ko Lang! ng GMA-7 ang isa sa mga naghatid ng tulong kay Floralde, na kasalukuyang nagpapagaling sa isang safe house.
Ikinuwento ni Floralde sa Wish Ko Lang! na sumasakit ang tiyan niya kapag gumagalaw siya na isa sa mga epekto ng sinadyang pagsagasa sa kanya ni Sanvicente.
“Parang naiipit po yung bituka ko. May suspicious fracture rin pong nakita sa pinakadulo ng ribs, yung butong pinakamaliit sa may kanan.
“May follow-up check up po ako para makita kung may internal bleeding daw ako,” pahayag ni Floralde sa Wish Ko Lang.