Natulala ang mga It’s Showtime host na sina Vice Ganda, Jhong Hilario, at Vhong Navarro nang marinig nila ang pagpapakilala sa sarili ni Dimple Solomon Ruiz ng Binangonan, Rizal, sa live broadcast ng kanilang programa nitong Martes ng hapon, August 2, 2022.
Kabilang si Ruiz sa tatlong contestants ng "Miss Q&A: Kween of the Multibeks."
Read: "Miss Q&A" at studio audience, balik-It's Showtime
Natahimik ang lahat ng mga tao sa loob ng studio sa kanyang sinabi na, “O ano, nagulat kayo ano? Akala niyo ngongo ako, ‘no? Mongoloid kaya ako.”
Ikinagulat ito ni Vice kaya nagkomento agad ito: “Hindi ‘yan ang intro mo nung rehearsal, ah!”
Bago pa sila putaktihin ng mga batikos at ireklamo sa MTRCB, naging maagap si Vice sa paghingi ng paumanhin sa mga manonood dahil sa mga salitang binitiwan ni Ruiz.
“As early as now, we would like to inform everyone that the views and opinions and the words of the candidates do not necessary reflect the views and opinions of the hosts, the show and the network.
“In behalf of candidate number 3, ngayon pa lamang ay humihingi na po kami ng paumanhin sa maaaring mga na-offend o hindi nagustuhan ang mga sinabi niya sa simula, lalo na ang paggamit ng mga salitang ngongo at mongoloid. Hindi na natin yun ginagamit.
“Huy, hindi yun ang ginamit mo sa rehearsal? Bakit yun ang sinabi [mo]? Baka mapagalitan kami, mag-explain ka,” ani Vice.
Sabi naman ni Ruiz, “I’m sorry po, idinagdag ko lang. I’m really sorry po. I didn’t mean it.
"Gusto ko lang po magbigay ng kasiyahan but hindi ko po sinasadya yun. I’m really sorry for that.”
Nakatikim din siya ng pangaral mula kay Vice.
Saad ng TV host-comedian: “Lesson learned. Again, we apologize. Pasensiya na po.
"Padala ka ba ng kalaban? Ba’t mo ginawa yun? Ang ganda na ng simula namin.
“Kasi may mga salitang hindi na angkop at hindi katanggap-tanggap. Yung mga sinasabing hindi na politically correct yung terms at saka may mga bagay na hindi puwedeng sabihin sa telebisyon.”
Sinang-ayunan naman ito nina Vhong at Jhong dahil naging insensitive ang contestant sa kalagayan ng mga taong may kapansanan.