Si Willie Revillame ang frontrunner ng ALLTV.
Bukod sa siya ang mukha at biggest star ng TV network na nagbukas ngayong Lunes, September 13, 2022, mapapanood ang kanyang nagbabalik na game show at public service program, ang Wowowin, mula Lunes hanggang Sabado, 7:00 p.m. to 8:30 p.m.
Read: Willie Revillame at Toni Gonzaga, pinangunahan ang soft launch ng ALLTV
Pumapangalawa kay Willie ang host-actress na si Toni Gonzaga na dinala sa ALLTV ang kanyang popular YouTube talk show, ang Toni Talks.
Ipinalabas ang pilot episode at unang bahagi ng Toni Talks, ang Malacañang Tour at exclusive interview niya kay President Ferdinand Marcos Jr., ngayong Lunes ng hapon, 4:30 p.m.
Sina Ruffa Gutierrez, Mariel Rodriguez, Ciara Sotto, Ella Cruz, at Julia Barretto ang mga aktres na bumulaga sa viewers ng ALLTV sa pagsisimula nito sa Channel 2 free TV.
Nagsalita si Ciara na magkakasama sila ni Mariel sa isang programa. Posibleng ang morning talk show na pinaplano ng ALLTV ang kanyang tinutukoy.
May mga nag-isip na baka lumipat na rin sa ALLTV si Ruffa na regular na napapanood bilang hurado sa mga segment ng It’s Showtime, samantalang nag-umpisa sa ABS-CBN ang mga showbiz career nina Julia at Ella.
Lumabas si Julia sa ALLTV para i-promote ang Expensive Candy, ang pelikula niya na magbubukas sa mga sinehan sa Miyerkules, September 14.
Pero mararamdaman ang Kapamilya Network sa ALLTV dahil ipalalabas dito ang re-run ng Ngayon at Kailanman at Doble Kara.
Dalawang Julia ang mapapanood sa ALLTV — si Julia Barretto at ang mother of two na si Julia Montes.
Si Julia B. ang bida sa Ngayon at Kailanman, ang 2018 primetime drama series ng ABS-CBN na muling itatanghal ng ALLTV simula bukas September 14, 3:30 p.m., mula Lunes hanggang Linggo.
Bukas din ang airing ng ALLTV sa Doble Kara, ang afternoon drama series ng Kapamilya Network mula August 2015 hanggang February 2017.
Ang River Where the Moon Rises naman ang kauna-unahang Koreanovela ng ALLTV. Mapapanood ito mula Lunes hanggang Linggo, 8:30 p.m. hanggang 9:30 p.m., pagkatapos ng Wowowin.
For the meantime, ang News Night na ihahatid sa Tagalog ng news anchor na si Pia Hontiveros ang Monday to Friday newscast, 6 p.m. to 7 p.m., ng ALLTV na may partnership sa CNN Philippines kaya tinawag na CNN hour ang naturang timeslot.