Tiwala sa sarili si Bayani Agbayani na kung hindi man mahihigitan, mapapantayan ng "I Drop Mo" ang tagumpay ng "Otso Otso."
Ang "Otso Otso" ang hit single ni Bayani noong 2004 na naging dance craze at ginamit na pamagat ng pelikulang pinagbidahan nila ni Vhong Navarro, ang Otso-Otso, Pamela-mela wan.
Sinabi ni Bayani sa Cabinet Files na naisip niyang maglabas ng bagong single dahil sa popularidad ng TikTok.
Hindi nagkamali ang pulso ni Bayani dahil sa September 30, 2022 pa ilulunsad ang music video ng "I Drop Mo," pero isa na ito sa mga paboritong isayaw ng netizens, bata at matatanda, sa TikTok.
“Naisipan kong mag-release uli ng single para magpauso uli ng dance moves at magamit ng netizens sa TikTok at saka para may kapalitan na ang 'Otso-Otso' na hanggang ngayon, kinakanta ko pa rin sa shows ko sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at iba’t ibang panig ng mundo.
“Si Boss B. ang nag-compose ng 'I Drop Mo' na may sayaw na pang-TikTok,” kuwento ni Bayani.
Ibinida ng comedian-host na siya rin ang direktor ng music video ng bagong kanta niya.
Hindi lamang ang pagkakaroon ng bagong single ang ipinagpapasalamat ni Bayani sa Panginoong Diyos.
Sa October 19, 2022 ay ipagdiriwang nila ng mga kasamahan niya sa Tropang LOL ang ikalawang anibersaryo ng kanilang variety show na pinarangalan ng isang organisasyon bilang Outstanding Philippine Noontime Variety Show of the Year noong nakaraang buwan.
Tumanggap din si Bayani ng suporta mula sa mga co-host niya sa Tropang LOL, gaya nina Alex Gonzaga at Matteo Guidicelli, na hindi nagdalawang-isip na ginawa ang "I Drop Mo" dance challenge.