Sina Ai-Ai delas Alas at Tom Rodriguez ang special performers sa huling gabi ng Philippine Fashion & Cultural Expo na ginanap sa Carson Civic Center sa California noong Linggo ng gabi, October 16, 2022 (U.S. time).
Tagumpay ang show nina Ai-Ai at Tom dahil sinuportahan ito ng Filipino community sa Amerika.
Noong kapwa pa sila nasa Pilipinas, dalawang beses lang nagkita sina Ai-Ai at Tom pero hindi pa sila nagkakaroon ng pagkakataong magkasama sa pelikula o mga TV guesting.
Nababasa ni Ai-Ai ang mga pinagdaraanan ni Tom mula nang humantong sa hiwalayan ang relasyon nito sa estranged wife na si Carla Abellana, tatlong buwan matapos ikasal ang dalawa sa isang simbahan sa lalawigan ng Batangas noong October 23, 2021.
Natuwa si Ai-Ai nang makita niya ang mainit na pagtanggap sa aktor ng mga taong nanood ng kanilang show sa Carson Civic Center.
“Masaya ang show namin ni Tom at sumigaw ng ‘more’ ang mga tao,” sabi ni Ai-Ai nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Lunes ng gabi, October 17.
“More than anything else, happy ako para kay Tom dahil pinagkaguluhan siya ng mga tao.
“First time kong makasama siya sa isang show at nababaitan ako sa kanya.
“Bumalik na rin ang kaguwapuhan ni Tom dahil medyo tumataba na siya. Hindi kagaya dati na nangayayat siya dahil bumaba noon sa 125 pounds ang timbang niya."
Kahit hindi niya sinabi, may idea ang publiko na malaki ang kinalaman ng pangayayat ng aktor sa paghihiwalay nila ni Carla at dahilan ng matagal na kanyang pagiging inactive sa social media.
Dahil hindi pa sila nagkasama sa pelikula at mga television guesting, nasorpresa si Ai-Ai nang matuklasan nitong mahusay na singer si Tom.
Kuwento niya, “Magaling palang kumanta si Tom. Saka natuwa talaga ako dahil gustung-gusto siya ng mga tao.
“Marami rin ang likes sa litrato naming dalawa sa IG post ko.
"Guwapung-guwapo siya ngayon dahil tumataba na siya.
"I think may plano siyang magtayo ng business sa US about healthcare kaya bongga ang mga nangyayari ngayon kay Tom."