Pararangalan si Kylie Verzosa bilang best actress sa 6th Dubai International Arab Festival Awards (DIAFA) para sa kanyang pagganap sa Philippine adaptation ng 2010 South Korean erotic-thriller film na The Housemaid.
Kumpirmado na ang pagdalo ni Kylie sa red carpet at award ceremony ng DIAFA na mangyayari sa November 4 at idaraos sa Dubai Creek Harbour Marina, United Arab Emirates.
Ang The Housemaid director na si Roman Perez Jr. ang isa sa mga tuwang-tuwa sa tagumpay ni Kylie.
Noon pa man, alam na raw niyang isang mahusay na aktres at malayo ang mararating ng Miss International 2016 winner.
“I am so happy for Kylie for bagging the best actress award. Sa una pa lang, alam kong mananalo si Kylie ng award, kaso dito sa atin, hindi siya papansinin.
“Even the performance of Jaclyn Jose was great, Kuya Albert Martinez was great, pero hindi pinansin ng local award-giving bodies.
“Natatawa lang ako na noong 2020, e, kami lang ang gumawa ng mga pelikula [para sa Vivamax], pero hindi kami na-nominate sa kahit na anong award-giving body.
"Hindi kami kasali na nakakalungkot. Pero okay rin naman kasi kumita yung The Housemaid,” ang sabi ni Perez sa panayam sa kanya ng Cabinet Files ngayong Miyerkules ng gabi, October 19, 2022.
Read: Jaclyn Jose, nangibabaw ang husay sa The Housemaid; Kylie Verzosa, nagpakitang-gilas din
Isang sikreto ang ipinagtapat ni Perez habang ginagawa nila ni Kylie ang The Housemaid.
Hindi umano sila magkasundo sa mga unang araw ng kanilang shooting dahil magkaiba ang mga pananaw nila.
Kuwento niya, “During the shoot, hindi talaga kami okay ni Kylie. Hindi kami nagkakasundo sa mga prinsipyo. Hindi siya nagta-trust sa akin.
“Wala pang trust sa akin si Kylie and then, nung natutunan na niya akong pagtiwalaan, dun lumabas ang karakter niya.
“Pumutok talaga ang acting ability niya, with the help of her acting coach Angie Castrence.
“Masarap katrabaho si Kylie after ng ilang araw na hindi namin pagkakaunawaan."
Dagdag niya, "Para siyang wine na habang iniinom, umiinit nang umiinit. Tumatapang nang tumatapang.
“I think overdue na achievement ni Kylie ang kanyang acting award. Deserve niyang maging best actress.
“Naniniwala ako na kapag nabigyan pa uli si Kylie ng magandang project, mananalo pa siya ng mga acting award.”