Ang romance-comedy movie na Mahal Kita Beksman ang comeback project ni Keempee de Leon.
Labingdalawang (12) taon na ang nakalilipas mula nang gumawa siya ng pelikula, ang Iskul Bukol 20 Years After: The Ungasis and Escaleras Adventure na pinagbidahan ng kanyang ama na si Joey de Leon, former Senate President Tito Sotto, at Vic Sotto.
“Ito ang first time kong gumawa ulit ng movie after a decade.
"Thankful ako kay Direk Perci [Intalan], kay Direk Jun [Lana], at sa The IdeaFirst for giving me a break sa Mahal Kita Beksman,” saad ni Keempee sa digital media conference ng bagong pelikula niya na naganap nitong Huwebes ng hapon, October 20, 2022.
Transgender woman na parlorista ang role ni Keempee, at si Christian Bables ang anak niya, sa Mahal Kita Beksman.
Gustung-gusto ni Keempee ang kanyang karakter dahil hindi ito naiiba sa gay role niya sa Bahay Mo Ba 'To, ang sitcom na napanood sa GMA-7 mula 2004 hanggang 2007.
“Ini-enjoy ko talaga yung gay role kasi nga sa Bahay Mo Ba 'To, mas light siya at nalalaro ko yung karakter.
“Hindi katulad sa drama na more of emotions so medyo nade-drain ako.
"Kaya nang i-offer sa akin nina Direk Percy at Direk Jun ang project, talagang nag-enjoy at na-excite ako dahil it’s been almost a decade na wala akong ginawa na movie.
"Hopefully this will be the start. Sana meron pang mga susunod," sabi ni Keempee.
Ayon sa 49-year-old actor, naging madali sa kanya ang gumanap na tatay ni Christian sa pelikula dahil sa tunay na buhay, at lingid sa kaalaman ng publiko, may anak siyang babae na 25 ang edad.
Pagtatapat ni Keempee, “May daughter na po ako na 25 years old so I guess hindi na malayo yun sa age ni Christian [29 years old].
“Yung anak ko nga, parang barkada ko na lang. Minsan, napagkakamalang girlfriend ko kapag lumalabas kami.
“Sasabihin nila, ‘Sir, ang bata ng girlfriend mo.’ 'Hindi. Anak ko ‘yan.'
“So, hindi na malayo kapag nagkakaroon ako ng mga anak [sa TV at pelikula] na at the age of 20-plus up. Madali na yung koneksiyon.
"At kami rin ni Christian, lagi kaming nag-uusap. Nagkukuwentuhan kami habang nag-aayos, walang patid ang connection namin.”
KEEMPEE-DONNA LOVETEAM
Ang "Kapag Tumibok Ang Puso," ang 1990 hit song ni Donna Cruz ang isa sa mga kantang ginamit sa mga eksena ng Mahal Kita Beksman.
Masayang ikinuwento ni Keempee na nakatanggap siya ng mensahe mula kay Donna nang mapanood nito ang official trailer ng kanyang comeback movie.
Sa mga hindi nakakaalam, si Donna ang isa mga naging ka-love team ni Keempee noong teenage stars pa sila.
“Even si Donna Cruz, nag-congratulate. Tuwang-tuwa siya sa trailer dahil eksakto raw yung kanta niya sa movie.
“Yung love team namin noong time na yun, sumikat.
"And hindi ako akalain na after so many years, maririnig ko ulit yun at nakasama pa ako sa movie. Nakakatuwa naman,” pahayag ni Keempee.