Si Miss Grand Brazil Isabella Menin ang nagwagi sa final show ng Miss Grand International 2022.
Ginanap ang 10th anniversary presentation ng Miss Grand International sa Sentul International Convention Center sa Bogor Regency, West Java, Indonesia, ngayong Martes ng gabi, October 25.
First runner-up si Engfa Waraha ng Thailand.
Second runner-up si Miss Grand Indonesia Andina Julie, 3rd runner-up si Miss Grand Venezuela Luiseth Materán, at fourth runner-up si Miss Grand Czech Republic Mariana Becková.
Si Nawat Itsaragrisil ang founder/president ng Thailand-based Miss Grand International Organization.
Nakaligtas siya sa mas matinding batikos mula sa mga Pilipino dahil first runner-up lamang ang kanyang kababayan.
Trending ngayong gabi sa Twitter Philippines si Itsaragrisil, ang final show ng Miss Grand International, at ang Philippine candidate na si Roberta Tamondong.
Hanggang Top 20 lamang ang narating ng kandidata ng Pilipinas.
Dahil dito, muling nabuhay ang paratang ng ating mga kababayan na isang "cooking show" o luto ang international beauty pageant na kanyang sinalihan kaya dapat nang itigil ng Bb. Pilipinas Charities, Inc. ang pagpapadala ng mga kandidata rito.
Hindi pa nananalo ang Pilipinas sa Miss Grand International.
Read: Roberta Tamondong, kulang ang suporta sa Miss Grand International 2022?
Pasok din sa Top 10 ang mga kandidata mula sa Mauritius, Puerto Rico, Spain, Colombia, at Cambodia.
Kasama naman sa Top 10 ang mga kinatawan ng Vietnam, Honduras, Nigeria, Denmark, United Kingdom, Dominican Republic, Mexico, Paraguay, Curacao, at Peru.
Popular search naman sa Facebook ang pangalan ng fashion designer na si Larry Espinosa.
Siya ang gumawa ng gold gown na hindi nagamit ni Roberta sa long gown competition dahil hindi nga nakapasok ang Pinay beauty queen sa Top 10.
Ang gold trophy ng Miss Grand International ang inspirasyon ng gold gown na nilikha ni Larry para kay Roberta, na naisuot lamang nito sa kanyang pictorial.
Hindi man pinalad si Roberta magkaroon ng puwesto sa Miss Grand International 2022, nahulaan naman niya ang tagumpay ni Miss Grand Brazil.
Sa close-door interview kay Roberta ng Miss Grand International judges, si Miss Brazil ang sagot niya nang tanungin siya kung sino sa kanyang palagay ang dapat manalo ng korona.
Sabi ni Roberta, “The first day I saw Miss Brazil, she is very down-to-earth, really really kind.
"And when she knew that I have, like, a flu, she messaged me right away, telling me how I am, how am I feeling.
"And that kind of person really is someone, rather aside from me, will win Miss Grand International."
Natawa ang mga huradong kausap ni Roberta sa kanyang sagot.
THE SIDELIGHTS
Sa umpisa pa lang ng final show ng 10th Miss Grand International, malinaw na crowd favorite si Miss Grand Brazil dahil sa malakas na palakpakan at hiyawan ng mga tao nang ipakilala niya ang sarili.
Pinaghandaan at ginastusan ang ika-sampung anibersaryo ng Miss Grand International dahil sa magarbong stage design.
Pero hindi naiwasan ang aksidente tulad nang madapa si Miss Grand Mexico Laysha Salazar nang rumampa ito para sa Sportswear competition.
Nakakahilo naman ang walong beses na pag-ikot ni Miss Grand Honduras Saira Cacho sa introduction portion ng mga kandidata, pero epektibo ang kanyang ginawa dahil nakuha niya ang atensiyon ng lahat.
Hindi nagpatalo si Miss Grand United Kingdom Sofia Mayers na mistulang ballet dance at hindi ordinaryong pagrampa sa stage ang ipinamalas.
Gaya ni Miss Grand Honduras, napansin din siya ng manonood na sapat na dahilan para maging memorable ang pagsali nila sa Miss Grand International, kahit umuwi silang luhaan.