Tumaas ng 25% ang stock shares ng JKN Global Group Public Company Ltd. noong Huwebes, October 27, 2022.
Ito ay isang araw matapos makumpirma ang balitang si Jakkaphong "Anne" Jakrajutatip ang bagong may-ari ng Miss Universe Organization.
Si Anne ang chief executive officer ng JKN Global Group na bumili sa Miss Universe Organization (MUO) mula sa IMG Worldwide LLC, isa sa mga kumpanya ng Endeavor Group Holdings Inc. na pinamumunuan ni Ari Emanuel.
READ: Thai billionaire Anne Jakrajutatip bagong may-ari ng Miss Universe
Ang shares ng JKN ay tumalon sa 25%, na mahigit sa tatlumpong beses na normal daily average nito, nang makuha ni Anne ang business firm na nagpapatakbo sa Miss Universe pageant.
Bago pa binili ni Anne ang MUO, may Philippine connection na siya.
Ang kumpanya niya na JKN Global Media PLC ay isa sa pinakamalaking content management and distribution company sa Thailand.
May business partnership kasi ang JKN sa GMA Network Inc. para sa mga Philippine TV content na pinapalabas sa Dramamax, ang drama channel ng JKN sa Thailand.
Ilan sa mga teleserye ng Kapuso Network na nasa Dramamax ay ang Beautiful Stranger, My Faithful Husband, Destiny Rose, Meant To Be, at Destined To Be Yours.
Ang airing sa Thailand ng mga drama series ng GMA-7 ang dahilan kaya lumipad noon sa Bangkok ang ilang Kapuso actors para i-promote ang mga programa nila.
Kabilang dito ang Kapuso heartthrobs na sina Dingdong Dantes, Benjamin Alves, Mikael Daez, Ken Chan, Dennis Trillo at Alden Richards.
Lima naman ang prime-time Thai drama series na ipinalabas sa GMA-7, dahil pa rin sa kasunduan nito at ng JKN Global Media.
Kasama rito ang My Husband in Law, Thong Ek- The Herbal Master, Game of Affection, Prophecy of Love, at Mr. Merman.