Dalawang beses nang napapanood ni Dennis Trillo ang On The Job: The Missing 8 pero dumalo pa rin siya sa industry premiere nito na ginanap ngayong Biyernes nang gabi, October 28, 2022 sa Cinema 2 ng Greenbelt 3, Makati City.
- Erik Matti 'breaks' Dennis Trillo's nose in On The Job: The Missing 8: "Yung mukha niya sobrang guwapo."
- Dennis Trillo on cloud nine over On The Job: The Missing 8's release in HBO Go
Nalaman ni Dennis na iba ang edit ng On The Job: The Missing 8 kaya excited siya na muling panoorin ang pelikula na isasali ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category ng 95th Academy Awards.
"Excited ako na manood kahit third time na. Although three hours yung pelikula, itong edit daw nito iba, so malalaman natin kung ano yung mga ipinagkaiba," sabi ni Dennis.
Nakausap siya ng mga miyembro ng entertainment media sa red carpet ng On The Job: The Missing 8.
Three years in the making ang pelikula, na mula sa direksyon ni Erik Matti at produksyon ng Reality MM Studios, ang production company nila Erik at Dondon Monteverde.
ON ON THE JOB'S INTERNATIONAL RECOGNITIONS
Nang tanggapin ni Dennis ang On The Job: The Missing 8, alam niya na maganda ang proyekto na gagawin nila.
Pero hindi inaasahan ng aktor na magkakaroon ng mga international recognition ang kanilang pelikula na nominado sa Best TV Movie/Mini Series category ng International Emmy Award 2022.
Proud na lahad ni Dennis: "Hindi ako makapaniwala kasi matagal na naming nagawa ang proyektong ito pero hanggang ngayon, hindi pa rin natatapos yung recognition.
"Una sa 78th Venice International Film Festival [September 2021 ], at ngayon naman, Oscars at International Emmy.
"Thank you talaga, nagbunga lahat ng mga paghihirap namin. Hindi ko ine-expect, pero alam ko na maganda ang pelikula.
"Hindi ko lang ine-expect na talagang mapapansin ng maraming tao, maging sa mga taga-ibang bansa.
"Itong kuwento ng On The Job, very unique. Hindi lang ito kuwento ng isang tao, kuwento ng isang buong bayan, at kung paano ito pinatatakbo sa maling pamamaraan.
"So nakakatuwa na mapasama sa ganitong kalaking proyekto, lalo na isa ito sa mga importanteng project na nagawa ko sa buong buhay ko," pahayag ni Dennis.
Itinuturing ni Dennis na isang karangalan na makatrabaho si Matti.
"Grabe ang pagtitiwala ko sa kanya. Alam ko na alam ni Direk Erik yung ginagawa niya.
"Matagal na niyang napanood ang pelikulang ito sa utak niya. Ngayon, finally, ma-ise-share na niya sa lahat kung ano talaga ang vision niya para sa project na ito."
LIFE IMITATES ART?
Natawa si Dennis nang itanong ng (PEP.ph) Philippine Entertainment Portal ang reaksyon niya sa malaking pagkakahawig ng kuwento ng On The Job: The Missing 8 sa mga karahasan na nangyayari ngayon, tulad ng pagpaslang sa radio commentator na si Percy Lapid.
"Nakakatawa, hindi ko maipaliwanag," ani Dennis.
"Parang nagiging kontrobersyal uli itong pelikula dahil naihahalintulad siya sa mga tunay na pangyayari, lalo na yung mga nangyari noon at mga nangyayari ngayon. “
"Feeling ko, importante rin na mapanood ito ng mga tao para mamulat sila sa mga bagay na kailangan nila na malaman."