Nag-umpisa na ang streaming ng Netflix sa To Russia With Love, ang romance-comedy movie na pinagbibidahan ni Gerald Anderson at ng model na si Elena Kozlova, kahapon, November 1, 2022.
Kahit parang biglang ipinalabas sa nabanggit na streaming site ang To Russia With Love, umakyat agad ito sa ikatlong puwesto ng Top 10 movies ng Netflix Philippines.
Mabilis na nagkaroon ng interes ang Filipino Netflix viewers sa feel-good project nina Gerald at Elena na may running time na isang oras at limampu’t limang (155) minuto.
Maaaring panoorin ng mga kabataan na may edad na labintatlo (13) pataas ang pelikula na mula sa direksiyon ni Veronica Velasco.
Kilala na si Velasco sa paggawa ng mga pelikulang nangyayari sa ibang bansa ang mga kuwento.
Kabilang dito ang Through Night & Day, ang 2018 tearjerker love story movie nina Paolo Contis at Alessandra de Rossi na kinunan sa Iceland; ang Nuuk (2019), na kinunan sa Greenland, Denmark at pinagbidahan nina Aga Muhlach at Alice Dixson noong; at ang 2020 film na A Faraway Land, na kinunan sa Faroe Islands at tinampukan nina Paolo Contis at Yen Santos.
Gaya ng mga nakaraang pelikula ni Velasco, kinunan sa ibang bansa (Moscow, Russia) ang mga eksena ng To Russia With Love.
Pero ipinakita muna niya ang kagandahan ng Dipolog City at ang cacao 'tablea' industry na ikinabubuhay ng pamilya ng karakter na ginampanan ni Gerald.
Kung pinaiyak ni Velasco ang mga nanood ng Inang Yaya (2006) at Through Night & Day, nagpakilig naman siya sa kuwento ng pagmamahalan nina Dennis (Gerald) at Oksana (Elena).
Kasama sa cast ng To Russia With Love sina Isay Alvarez, Malou Crisologo, Ivan Carapiet, at ang comedienne-singer na si Kakai Bautista na masuwerte dahil nagpunta siya sa Russia para sa mga eksena nila ni Gerald.
Ang MAVX Productions Inc., na pinamumunuan ni Erwin Blanco, ang producer ng To Russia With Love.
Ito rin ang nag-produce ng Doll House, ang pelikula ni Baron Geisler na umani ng mga papuri at Top 1 movie sa Netflix Philippines ilang linggo na ang nakararaan, pati na ang Through Night & Day, Nuuk, at A Faraway Land.