Si Senator Robinhood Padilla ang panauhing pandangal nang ilunsad Wall of Fame na bahagi ng pagdiriwang sa ika-41 anibersaryo ng Viva Entertainment, Inc. kahapon, November 12, 2022.
Read: Past and present stars ng Viva, binigyang pugay sa pamamagitan ng Wall of Fame
Ang Viva Films ang nagbigay kay Robin ng mga pelikulang pinagbidahan nito noong 1989 hanggang kilalanin siya bilang isa sa mga action superstar sa Pilipinas.
Ito ang dahilan kaya magkalapit ang mga larawan nila ng King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. sa Wall of Fame sa 7th floor ng Viva Films office sa Pasig City.
Nanggaling pa si Robin mula sa Roxas City sa Iloilo City nang dumating siya sa opisina ng Viva Films dahil kasama siya nina Senator Bong Go at Phillip Salvador sa pamimigay ng relief goods para sa mga kababayan nating nasalanta ni Typhoon Paeng.
Si Boss Vic del Rosario ang discoverer at mentor ni Robin kaya lubos ang pasasalamat nito sa founder at Chief Executive Officer ng Viva.
Pahayag niya, “Ang nag-iisang sultan ng pelikulang Pilipino, ang aking tatay, ang gumawa sa akin, ang nagbigay ng break.
“Alam niyo ho noong araw, kontrabida lang ako, pero si Boss Vic ang naniwala sa akin. [Sabi niya], ‘Puwede kang bida.’
"Sabi ko, ‘Boss, hindi naman ako pogi.’ 'Hindi kailangan ng pogi. Kailangan may dating.’
"Kaya ako po, kahit nasaan ako, dahil nga galing pa ako ng Visayas, kapag si Boss Vic ang nagpatawag, kahit na tumatakbo ako, 'Boss, darating ako para sa 'yo,'" kuwento ni Robin tungkol sa pagsisimula ng kanyang matagumpay na acting career.
Hindi nakaligtaan ni Robin na ibahagi ang mga payo sa kanya ni Boss Vic nang magpasya siyang kumandidato at mapalad mahalal na number one senator sa eleksyong naganap noong May 2022.
Read: Robin Padilla, di makapaniwala sa pangunguna sa senatorial race
“Saka alam niyo po, noong tatakbo ako, wala naman ako talagang planong tumakbo dahil ewan ko ba.
“Ako po ay nautusan ng ating mahal na Pangulo Rodrigo Roa Duterte, pumunta po ako dito sa Viva [office].
“Sabi ko, ‘Boss, paano ba itong gagawin ko? Kailangan kong manalo. Ayoko naman matalo.’
“Isa lang ang sabi ni Boss Vic: ‘Huwag kang magpanggap na pulitiko. Kailangan ipakita mo yung tunay na Robin Padilla, walang kaplastikan. Huwag kang magpakamatalino. Ipakita mo lang na ang puso mo, nasa pelikula. Huwag kang gumawa ng kahit anong mahabang speech. Kumanta ka lang, solved ‘yan!’
“Kaya ayun po, wala akong ginawa kundi kumanta lang. Tinalo silang lahat dahil sa 'Wonderful Tonight.'
"At ngayon, I feel wonderful tonight!" natatawang kuwento ni Robin.
Napilitan si Robin na kantahin nang a cappella ang signature campaign song niya dahil hindi siya nakatanggi sa hiling ng mga empleyado ng movie company na nagpasikat sa kanya.
Read: Robin Padilla, bakit trending pa rin at dawit ang "Wonderful Tonight"?