Hindi nasaktan ang sexy star na si Ayanna Misola nang mabasa nito ang mga pahayag ni Dina Bonnevie tungkol sa pagtanggi ng veteran actress na gawin ang remake ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili.
Ang Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili ay orihinal na pinagbidahan ni Dina noong 1989.
Sa ulat ng Cabinet Files sa PEP.ph noong October 13, 2022, sinabi ni Dina na ayaw niya ang pelikulang iyon dahil nagiging nymphomaniac ang kanyang karakter kapag sinasaniban ng demonyo.
Kaya hindi tinanggap ni Dina ang alok na maging bahagi ng re-imagined version ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili nitong 2022.
Ang malumanay na paliwanag ni Dina sa PEP noon:
"Hindi ko in-accept yung remake kasi it’s too sexy. I mean, my role is not sexy pero the movie is.
"Gusto kong mag-iwan ng legacy. Ayokong ang last memory ng mga tao [tungkol] sa akin sa pelikulang X-rated.
"Kapag namatay kami, maganda yung, 'Uy, ginawa ni Ms. D yung ganitong movie.' I want to be remembered for the quality projects na nagawa ko.
"Hindi ko naman sinasabi na hindi quality ang remake ng Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili, pero it’s too sexy, I feel for me, to be part of."
READ: Dina Bonnevie, bakit tinanggihan ang remake ng Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili?
AYANNA'S REACTION
Sa parte ni Ayanna, imbes na masaktan ay naunawaan niya ang pinanggagalingan ni Dina.
Hindi rin niya dinamdam ang pahayag ni Dina na "X-rated" ang pelikula na siya ang bida.
"Sobrang fan girl talaga ako pagdating kay Miss Dina. Idol ko po siya at sobrang naiintindihan ko siya," sabi ni Ayanna sa panayam ng Cabinet Files ngayong Martes ng hapon, November 15, 2022.
"Actually, mas nagulat po ako nang malaman ko na inalok sa kanya na maging part ng re-imagined version ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili. Yun pa lang po, sobrang nakakataba na ng puso.
"Hindi naman po ako nasaktan sa sinabi niya. Tinanggap ko na po kasi na X-rated talaga ang tingin ng ibang mga tao sa movies na ginagawa namin because of the mature content.
"Pero yung version namin, hindi marami ang intimate scenes dahil hindi ito katulad ng ibang movies na ginawa ko.
"Gusto ni Direk Roman na very artistic ang mga eksena at focus talaga sa story," paliwanag ni Ayanna.
Ang tinukoy niyang "Direk Roman" ay si Roman Perez, Jr., ang direktor ng 2022 version ng Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili.
Dagdag ni Ayanna, "Pero yes, it’s still a sexy film."
- Keempee de Leon recalls telling a young actress: “Magbigay respeto ka sa mga seniors.”
- Camille Prats recalls how she handled heartbreak when she lost her first husband
- Maricar Reyes finally opens up about her 2009 scandal: “There are still people who are disrespectful.”
AYANNA DREAMS OF WORKING WITH DINA
Hindi man natuloy ang pagsasama nila ni Dina sa movie, nangangarap pa rin si Ayanna na mabibigyan ito ng pagkakataon na makatrabaho ang hinahangaang beteranang aktres.
May bagong kontrata na pinirmahan si Ayanna sa kanyang mother studio na Viva Entertainment Inc., at dalawampu (20) ang mga pelikula na nakalinya na gagawin niya.
"Gusto ko po siya na maka-work someday dahil bata pa lang ako, nilu-look up ko na talaga siya. Gusto ko siya na makilala nang personal.
"Magiging isang karangalan para sa akin na makatrabaho si Miss Dina dahil napakahusay niya na artista.
"Marami sa mga veteran actor ang idol ko at sila po talaga ang nasa bucket list ko na makatrabaho, kahit extra lang ako," ang may determinasyon na sabi ni Ayanna.