Nakatakdang lumipad sa Las Vegas, Nevada si Ai-Ai delas Alas at ang kanyang asawang si Gerald Sibayan para muling magpakasal.
Nakatakda ang ikalawang beses na pag-iisang dibdib ng dalawa sa darating na Miyerkules, November 30, 2022.
Limang taon na ang nakararaan buhat nang maganap ang church wedding nina Ai-Ai at Gerald sa Christ The King Church sa Green Meadows, Quezon City, noong December 12, 2017.
Read: Ai-Ai delas Alas weds Gerald Sibayan: "Yes, super I do, Father!"
Sa November 30 ang kaarawan ni Gerald, at ang renewal of vows nila ni Ai-Ai sa isang chapel sa Las Vegas bilang mag-asawa ang kanyang piniling paraan para maging makabuluhan ang birthday celebration niya.
Samantala, si Ai-Ai ang pinarangalan bilang "Undisputed Comedy Queen of the Year" sa 3rd Annual Amerasia International Awards na ginanap sa Celebrity Centre International Pavilion, Hollywood, California, noong Sabado, November 26, 2022.
Hindi nakadalo si Ai-Ai kaya ang kanyang anak na si Nicolo ang tumanggap ng trophy niya.
Nagpadala na lamang si Ai-Ai ng video ng pasasalamat nito sa mga organizer ng Amerasia International Awards, kasunod ang paliwanag na nagkaroon siya ng exposure sa isang COVID-19 positive person kaya hindi niya nasipot ang gabi ng parangal.
Mensahe niya, “Maraming-maraming salamat po sa Amerasia sa inyong pagbibigay sa akin ng parangal na ito.
“Maraming salamat din po sa nag-nominate sa akin, si Mr. Lhar Santiago.
“Pasensiya na po na hindi ako makakarating kasi naririnig niyo naman ang boses ko na medyo may konting ubo lang po ako, at saka na-expose po ako sa positive pero negative po ako.
"Maraming-maraming salamat po sa pang-unawa."
Postscript: Tuwang-tuwa si Ai-Ai kay Nicolo dahil mahiyain ito pero napapayag na umakyat sa entablado at magsalita nang tanggapin ang parangal para sa kanyang ina.
Sa kauna-unahang pagkakataon, napanood ni Ai-Ai na nagsasalita si Nicolo sa isang well-attended event at hindi siya makapaniwalang may thick American accent ang kanyang anak na matagal nang naninirahan sa USA.