Naantig ang damdamin ng lahat ng mga nakasaksi nang humahagulgol ng iyak na niyakap ni Erik Santos ang kabaong na kinahihimlayan ng kanyang ina na si Angelita Santos.
Sumakabilang-buhay ang ina ni Erik dahil sa lung cancer noong November 25, 2022.
Ibinurol ang mga labi nito sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.
Read: Nanay ni Erik Santos, pumanaw na: "She is finally home with Jesus. I love you so much, Nanay."
Bago ang kanyang malungkot na pamamaalam, inalayan ni Erik ng isang awit, ang "Ikaw," ang nanay niya.
Isang banal na misa naman ang idinaos bago naganap ang cremation sa mga labi ng ina ni Erik kahapon ng 11 a.m., December 1.
Pinili ng pamilya Santos ang cremation dahil iuuwi muna nila sa kanilang tahanan ang urn na kinalalagyan ng abo ng nasawi para magkakasama pa rin sila sa darating na Pasko.
Sina Regine Velasquez, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Vina Morales, Yeng Constantino, Angeline Quinto, KZ Tandingan, Darren Espanto, at Christian Bautista ang ilan sa mga kaibigan ni Erik na nakiramay at nag-alay ng mga awit para sa kanyang namayapang ina.
Ang philantrophist at Grateful Tuesdays host na si Pinky Tobiano ang isa sa mga malalapit na kaibigan at itinuturing ni Erik na parang tunay na kapatid.
“I will take care of him,” ang binitiwang pangako ni Pinky sa pumanaw na ina ni Erik.
Erik Santos with Pinky Tobiano and Christian Bautista
Bago pa man nawala ang nanay niya, labis nang dinaramdam ni Erik ang pagkakaroon ng karamdaman ng isa sa kanyang mga inspirasyon.
Sa kanyang surprise 40th birthday celebration, na inihanda ni Pinky at ng mga nagmamahal sa kanya noong October 2022, napaluha si Erik nang magbigay ng mensahe para sa mga bisita niya.
Pahayag niya, “Ayoko talagang mag-celebrate ng birthday ko kasi grabe yung pinagdaraanan ng whole family.
"And I’m broken, we’re so broken, sad, our spirits are very low.
“Yung bang parang gusto mo na lang dumaan yung birthday mo kasi every time na mag-celebrate ako ng birthday, masaya kami kahit wala kaming handa. Gigising kami ng 12 midnight, nagkakantahan kami.
“Pero this year, very different, kaya yung celebration na ito, sobrang napakaespesyal po para sa akin.
"And I will never forget this day na talagang pinagplanuhan niyo po itong espesyal na araw para sa akin. I feel so loved and I feel so special. Parang, deserve ko ba ito?
“Sorry, ayoko talagang gawin na parang malungkot itong celebration kasi talagang sobrang low lang yung spirit namin, but because of you guys na kahit papaano, naibsan po yung kalungkutan ng pamilya namin.
“Pasensiya na po kayo dahil lahat kami, very low yung spirits namin, nag-iiyakan kami.
"Every day, nagbe-breakdown. Hindi namin ine-expect yung ganitong pangyayari sa buhay namin.
"My mama has been… hirap na hirap na po siya, sa totoo lang po."