Ikinagalak ni Ellowe Alviso ang guesting niya sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga! noong Huwebes, January 12, 2023, dahil nagawa niyang ilabas ang mapapait na karanasang kanyang kinikimkim sa loob ng tatlumpong (30) taon.
Tungkol sa mga taong nasira ang anyo dahil sa pumalpak na procedure ang topic sa "Bawal Judgemental" sa naturang episode.
Kabilang si Ellowe sa mga biktima ng botched surgery.
Sa kasalukuyan, isa at kalahating milyong piso (P1.5 million) na ang nagagastos ni Ellowe para maayos ang nawasak na mukha nito kaya gumuho na ang kanyang pangarap maging modelo at artista na dating pinagkukunan niya ng kabuhayan.
Pahayag niya sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, “Ipinagpapasalamat ko po sa Eat Bulaga! na nailabas ko po yung buhay na sinapit ko mula pagkabata ko dahil inabuso ako ng pinsan ko.
“Nailabas ko po ang matagal ko nang kinikimkim, ang maraming dagok, suliranin at trauma sa buhay, pati na ang pekeng nurse na buong akala ko ay makakatulong sa akin.”
Ang "pekeng nurse" na tinutukoy ni Ellowe ang nagturok sa kanyang ilong at mukha ng pinaghalu-halong wax, petroleum jelly, sealant, at kandila noong 2012 dahil sa kagustuhan niyang maging guwapo ang hitsura.
Natupad ang ambisyon ni Ellowe mula 2012 hanggang 2014 na maging model at talent sa telebisyon dahil nagawa ng pekeng nurse na patangusin ang kanyang ilong.
Pero makalipas ang dalawang taon, nagsimula na ang kalbaryo ni Ellowe.
Namaga at nagkaroon ng nana ang kanyang mukha na umpisa na rin ng pagbabago ng hitsura niya.
Lumapit si Ellowe sa isang lehitimong doktor para ayusin ang mukha niya pero, diumano, lalong nadagdagan ang kanyang problema.
Ayon kay Ellowe, kumuha ang doktor ng balat mula sa kanyang leeg pero hindi naging maganda ang epekto: nagkaroon siya ng keloids.
Dahil dito, madalas daw napagkakamalang tinangka niyang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti.
Saad niya, “Nasira po uli ang mukha ko matapos magtiwala sa lehitimong doktor. Akala ko, sila na yung magiging susi ng aking pagbangon pero bigo po ako sa lahat.
“Masakit, traumatic at natakot po akong humarap sa maraming tao. Nawalan na po ako ng tiwala sa sarili at sa mga tao na nakakasalamuha ko.
"Ang Panginoong Diyos na lang po ang pinagkakatiwalaan ko."
STILL HOPING
Umaasa pa ba siyang babalik ang dating hitsura niya?
Sagot ni Ellowe, “May pag-asa naman po na babalik ang dati kong hitsura dahil may mga doktor naman po akong nakakausap at pinapa-check up ko naman po yung mukha ko.
“May chance naman po na maayos ng doktor na may malawak na kaalaman sa surgery.
“Hindi po ako titigil dahil alam ko po sa sarili ko na diringgin ni Ama ang aking panalangin na maibabalik ang dating wangis ko.”
Napatawad na ba niya ang mga taong nakasira sa kanyang mukha?
“Kung tutuusin po, madaling magpatawad, pero sa ngayon po, mahirap pa ring patawarin ang mga tao na sumira sa mukha ko matapos nila ako mabiktima, ma-scam, at maloko dahil yung mga pilat at sakripisyo ginagawan ko ng paraan.
"Pero paano ko mareresolba ang pang-iiwan na ginawa nila sa akin na ganito ang hitsura ko? Bumabalik at bumabalik ang mga alaala na dapat matagal ko nang kinalimutan,” saad niya.
Dahil sa mga pagsubok na pinagdaanan at pinagdaraanan pa ni Ellowe, paano niya hinaharap ang bukas?
Aniya, “Matapos ako mabiktima, almost ten years na rin po, patuloy lang po ako lumalaban at bumabangon dahil alam ko pong may mga taong handa akong tulungan at suportahan.
“Hindi ko po alam kung paano ko haharapin ang bukas. Mahirap po yung babangon ka bukas nang wala kang pera, hindi ka tinatanggap sa trabaho dahil sa discrimination.
“Sa pera na lamang umiikot ang mundo ko dahil kung wala akong pera, hindi ako maooperahan at hindi ko mabibili ang mga pangangailangan ko sa hospital."
Patuloy ni Ellowe, “Mahirap, kahit pilit ko nilalabanan ang sakit na depression at anxiety ko, kapag wala na talaga akong support, baka nagpatiwakal na lang po ako para matapos na. Pero alam ko po na may mga tao na tutulong sa akin.
“Hindi man ako kayang suportahan ng nanay ko sa pang araw-araw na gastusin, patuloy ko lang po ibabangon ang bandera na kanilang itinumba at pilit ko itong ibabangon at muling ngingiti sa ating mga kababayan na, heto ako, lumalaban, nakataas ang noo, at buong puso na nagpapasalamat dahil kung hindi dahil sa inyong mga suporta at tulong, hindi ko po alam kung paano na ang bukas.”