Si Marian Rivera ang special guest sa pilot telecast ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes ng hapon, January 23, 2023.
Kahit labing-anim (16) na taon ang nakalilipas mula nang magbida sila ni Dingdong Dantes sa Philippine adaptation ng Marimar noong 2007, may mga bagong rebelasyon ang Kapuso Primetime Queen sa eksklusibong panayam sa kanya ng King of Talk ng Pilipinas na si Boy Abunda.
Read: Why Marian Rivera is perfect as Marimar
Ikinuwento ni Marian na hindi sila nagpapansinan ni Dingdong nang magtambal sila sa Marimar, at napikon siya sa biro ng aktor na pre-paid ang cellphone na ginagamit niya noon dahil hindi siya sumasagot sa text.
“Medyo hindi kami magkasundo sa Marimar. Hindi kami nagpapansinan. Maldita kasi ako, e.
“Noong time ng Dyesebel [2008], nasabi niya sa akin, ‘Ang suplada mo naman. Tine-text kita, bakit hindi ka nagre-reply? Siguro naka-prepaid ka lang?’
“Nagalit talaga ako kasi yung totoo, naka-prepaid ako. E, nasa isla kami sa Palawan, so bumili ako ng maraming cards.
“Kapag wala na akong card [load], pumupunta ako sa dulo, nagkakaskas ako para mag-load.
"Kaya nung sinabi niya na ‘Siguro, naka-prepaid ka...’ kasi totoo na naka-prepaid ako.
“Kaya sabi ko, kapag sumuweldo ako, after nito, magla-line na ako, kaya naka-line na ako noon after,” rekoleksyon ni Marian tungkol sa mga panahong wala pa silang relasyon ni Dingdong.
Sa "Fast Talk" segment ng Fast Talk With Boy Abunda, sinabi ni Marian na nagiging seksi ang kanyang pakiramdam sa tuwing hinahalikan ni Dingdong ang mga paa niya.
Ikinagulat ito ni Boy na nakapagsalita ng “Oh my God!”
Nagpakatotoo si Marian nang sabihin nitong ang kanyang pagiging "maldita" ang ugali na ayaw niyang manahin ni Zia, ang panganay na anak nila ni Dingdong.
Ang Fast Talk ang comeback show ni Boy sa GMA 7 makalipas ang dalawampu’t tatlong (23) taon.
Itinuturing ni Boy na lucky number niya ang 23 dahil ito ang address ng kanyang bahay, pero hindi raw sinasadya na nagsimula na mapanood sa telebisyon sa petsa na January 23 ang Fast Talk, na nag-trending sa social media ang unang episode Fast Talk.
Nagulat din si Boy nang mapagtanto nitong pumirma siya ng kontrata at bumalik sa GMA-7 noong 2022 makaraan ang dalawampu’t tatlong taon.
Read: Unang araw ng pagbabalik-TV ni Boy Abunda, nataon sa unang Lunes ng Year of the Water Rabbit