Nagpapasalamat ang ex-couple na sina Ai-Ai delas Alas at Miguel Vera sa lahat ng mga tumangkilik sa Ang Dating Kami, ang kanilang successful musical-comedy show na itinanghal sa Bristol Civic Auditorium, Bellflower, California, noong January 21, 2023.
Sold-out ang tickets sa 3 p.m. at 9 p.m. shows ng Ang Dating Kami.
Dahil sa mga positive review, malaki ang posibilidad na magkaroon ng U.S. tour ang reunion concert nina Ai-Ai at Miguel.
May plano rin si Ai-Ai na dalhin sa Pilipinas sa November 2023 bilang birthday presentation niya ang pinag-uusapang show nila ni Miguel.
Lubos ang pasasalamat nina Ai-Ai at Miguel sa lahat ng mga nanood ng Ang Dating Kami dahil pinagbigyan ang kanilang pakiusap na huwag kunan ng video ang show para sa pinaplano nilang U.S. tour.
Nagpapasalamat din si Miguel sa Diyos dahil naging magaan ang pakiramdam niya, ilang araw bago naganap ang musical-comedy show nila ni Ai-Ai.
Labis na nag-alala si Miguel na baka hindi lumabas ang boses niya at hindi siya makakanta dahil nagkaroon siya ng lagnat at ubo na epekto ng malamig at maulan na panahon sa California.
“Nakaraos ang show namin. Talagang itinawid kami ng Diyos pero inaatake ako ngayon ng ubo. Masaya ang show at masaya ang mga nanood, " sabi ni Miguel nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Lunes, January 23.
Noong January 22 ang kaarawan ni Miguel pero hindi na siya nagkaroon ng selebrasyon dahil sa kanyang mabigat na pakiramdam.
Pagkatapos ng kanilang show, lumipad agad si Ai-Ai pabalik sa Pilipinas dahil siya ang bida sa bagong pelikula ng 3:16 Media Network na mula sa direksiyon ni Louie Ignacio.
Napaaga ang pag-uwi ni Ai-Ai sa Pilipinas dahil uumpisahan na ang shooting ng proyekto niya na kailangang matapos bago siya muling maging abala sa taping ng Season 4 ng The Clash, ang reality talent competition ng GMA-7 na nagsimula noong January 22.