Litrato ang pamagat ng pelikulang gagawin ni Ai-Ai delas Alas para sa 3:16 Media Network, ang movie company ng producer na si Len Carrillo.
Ang shooting ng Litrato, na magsisimula sa January 27, 2023, ang dahilan kaya napaaga ang pag-uwi ni Ai-Ai sa Pilipinas mula sa Amerika.
Planong isali sa 1st Metro Manila Summer Film Festival sa April 2023 ang pelikulang mula sa direksiyon ni Louie Ignacio.
Tampok din sa pelikula sina Ara Mina, Quinn Carrillo, at Bodjie Pascua.
Sa story conference ng Litrato ngayong Martes ng gabi, January 24, sinabi ni Direk Louie na hindi niya gagawin ang proyekto kung hindi si Ai-Ai ang bida.
Itinuturing nina Direk Louie at Ai-Ai na masuwerte ang kanilang mga collaboration dahil nanalo ng best actress awards ang Comedy Queen sa iba’t ibang mga international award-giving body para sa mga pelikulang ginawa nila, tulad ng Area at School Service.
Read: Ai-Ai delas Alas named Best Actress at ASEAN International Film Festival and Awards 2017
Read: Ai-Ai delas Alas wins Best Actress at 2nd Los Angeles Philippine International Film Festival
Nakilala si Ai-Ai na natatanging ina dahil sa karakter na ginampanan niya sa Ang Tanging Ina franchise na pawang mga blockbuster movie ng Star Cinema. Pero sa kauna-unahang pagkakataon, gaganap siyang lola na may Alzheimer’s disease sa Litrato.
Naniniwala si Ai-Ai na magagampanan niya ang mapanghamong papel sa Litrato dahil sa tunay na buhay, may karanasan siya sa taong may Alzheimer’s disease — ang kanyang biological mother na si Gloria na pumanaw noong December 2013.
Read: Comedy Queen Ai-Ai delas Alas mourns biological mom's death from Alzheimer's disease
Lahad niya, “May Alzheimer’s disease ang biological mother ko na si Gloria.
"Pero hindi ako lumaki sa kanya dahil adopted ako ng auntie ko so hindi siya masyadong sweet sa akin kapag hindi niya ako nakikilala.
“Four years bago siya mamatay, sa akin siya tumira. Noong nakikilala pa niya ako dahil wala pa siyang Alzheimer’s, ayaw niyang tumira sa akin kasi parang feeling niya, nahihiya siya dahil ipinamigay niya ako.
“Pero nakukyutan ako sa kanya kapag tinatanong ko siya kung sino ako. Minsan, kumare niya ako. Minsan, tiyahin niya ako. Kung anu-ano…
“In person, kung sinu-sino ang sinasabi niya. Pero meron akong standee na naka-pink ako na parating nasa kuwarto niya. Yun ang kilala niya.
“Kapag tinanong siya, ‘Sino ito, 'Nay?’ ang sagot niya, ‘Anak ko, si Ai-Ai. Anak ko yan! Yun [standee] ang inaabutan niya ng tinapay, pinagagalitan niya.
"Pero in person, hindi niya ako kilala. Ang cute, di ba, pero malungkot.”
Hindi mapigilan ni Ai-Ai ang pagluha sa tuwing napag-uusapan ang biological mother niya.
Ang huwag siyang magkaroon ng Alzheimer’s disease ang isa sa mga madalas na ipinagdarasal ni Ai-Ai sa Panginoong Diyos dahil sa mga nasaksihan niya sa nangyari noon sa kanyang tunay na ina.
Sinabi ni Ai-Ai na ayaw nito na dumating ang panahong hindi na niya makikilala ang kanyang mga anak.