Ilang araw nang pinag-uusapan na, diumano, hiwalay na si former Senator Manny Pacquiao at ang misis nitong si Jinkee Pacquiao.
Ito ay base sa lumabas na balita sa isang YouTube channel na disabled ang comments section. Malisyoso at masyadong personal ang mga paratang na inilabas ng vlogger laban sa mag-asawa.
Kung gugustuhin nina Manny at Jinkee, puwedeng-puwede silang magsampa ng kaso laban sa taong siguradong-sigurado sa nakasisira ng puri na tsismis na ikinakalat niya.
Ang kaibigan nina Manny at Jinkee na si Annabelle Rama ang isa sa mga nagtanggol sa mag-asawa. Sa pamamagitan ng kanyang Facebook post, pinabulaanan ni Annabelle ang mga paninirang-puri.
Sinabi ni Annabelle na walang katotohanan ang tsismis na nag-file na si Jinkee ng annulment para mapawalang-bisa ang kasal nila ni Manny.
Nagpahayag si Annabelle ng pakikisimpatiya kay Jinkee dahil buntis umano ito kaya awang-awa siya sa misis ni Manny.
Nadamay sa fake news na kumakalat si Senator Raffy Tulfo dahil kasinungalingan din ang balitang pinayuhan niya si Jinkee na tigilan na ang harap-harapang panloloko kay Manny.
Sa panayam ng Cabinet Files, sinabi ng public relations officer ni Tulfo na si Joey Sarmiento, tahasan nitong sinabi na walang alam ang senador tungkol sa isyu ng Pacquiao couple.
Ayon kay Joey, fake news ang impormasyon at walang kinalaman si Tulfo dahil matagal na nitong hindi nakakausap sina Manny at Jinkee.
Marami ang nagpatotoong maayos na maayos ang relasyon ng mag-asawa dahil nakita pa si Jinkee na kasama ang ina ni Manny sa General Santos City noong Linggo, January 29, 2023.
Habang pinagpipistahan ng mga mahihilig sa intriga ang fake news na hiwalay na sila, kasama ng Pambansang Kamao ang tatlong anak nila ni Jinkee sa litratong kuha mula sa tahanan nila at inilabas niya sa kanyang Facebook page.
Noong Linggo, naglabas din si Jinkee sa Instagram page nito ng larawan nila ni Manny na nilagyan niya ng caption na “Every day, I love you more!”
Isa itong matibay na pruweba na matatag na matatag ang kanilang pagsasama.