“Congrats ha, kayo pa… charot! Nabalitaan ko kasi ang tsismis pero mabuti pa naman, kayo pa rin. I’m happy for you guys!” tawang-tawang mensahe ni Rufa Mae Quinto para kay Heart Evangelista sa guesting ng comedienne sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes ng hapon, March 6, 2023.
Ang napabalita noong may problema si Heart at ang asawa nitong si Senator Chiz Escudero ang tsismis na tinutukoy ni Rufa Mae.
Read: Heart Evangelista posts message for husband Chiz Escudero; netizens react, "Pinagalaw na ang baso!"
Nagpapasalamat nang husto si Rufa Mae sa kanyang kapwa aktres dahil tumulong ito sa pagbebenta ng kanyang mga gamit.
Napag-usapan nina Boy at Rufa Mae si Heart dahil sa pagtulong na ginawa nito sa comedienne noong malaking problema ng buong mundo ang coronavirus pandemic.
“Nung una, mga shoes muna saka relos,” umpisang kuwento ni Rufa Mae tungkol sa kanyang mga personal na gamit na binili ni Herat.
“Ang galing nga kasi that time, asa Tupperware [boxes] lahat ng shoes ko.
“Pinilit niya ako, 'Tara na, sige na! Dalhin mo!’
“Sabi ko, ‘Ah hindi!’ hanggang siya na ang naglinis isa-isa [ng mga sapatos]. Nilatag niya tapos nagbenta pa siya sa ibang mga friends kaya sabi ko, grabe!
“Nakakatuwa nga. Hindi ko naman ibinebenta, siya ang nagbenta, tapos tinawag niya lahat ng kapatid niya.
"Ang bait nga, e, ite-text ko uli. Benta uli!" natatawang lahad ni Rufa Mae tungkol sa kabutihan na ipinakita sa kanya ni Heart na puring-puri niya ang kabaitan.
Naninirahan na si Rufa Mae, ang kanyang asawa na si Trevor Magallanes, at ang kanilang anak na si Athena sa Amerika, pero napagdesisyunan niyang maging aktibo muli sa showbiz dahil ito ang propesyon na kanyang nakagisnan.
Sinabi ni Rufa Mae na gusto nitong maging “fifty-fifty” ang personal na buhay niya at pagiging artista dahil ito ang nakapagpapasaya sa kanya.
“Na-realize ko, ito talaga ako. Ayokong hindi mag-artista kasi hindi ko kaya.
“Mahilig akong makipagtsikahan. Gusto ko yung nagga-glam din kahit kalahati lang ng taon. Yung i-manage ko na fifty-fifty, may family life, private, pero meron din showbiz.
“The money is good din. Saka yung nagisnan, yung parang dito ako masaya. Maraming nakakaintindi sa akin dito, kahit ano ang sabihin ko.
“Kahit anong joke, naiintindihan. E, siyempre dun English na nga, ang hirap-hirap na nga mag-English, wala pang nakaintindi,” sabi ni Rufa Mae na sinundan nito ng malutong na halakhak.
Masuwerte si Rufa Mae dahil suportado ni Trevor — na, diumano, nagretiro na bilang pulis sa Amerika para tutukan ang pag-aalaga sa kanilang anak — ang pagbabalik niya sa showbiz at pinayuhan siya na pagtuunan ng pansin ang kanyang acting career.
“I feel na may obligasyon din ako sa showbiz kasi awa ng Diyos, nami-miss din nila ako. Saka parang feeling ko, kailangan din nang ganito, yung parang tanga… charot!
“Yung parang gaguhan lang lagi! Yun ako, araw-araw, walang kuwenta yung mga sinasabi ko na joke.
"So, parang ang lungkot kapag hindi ako nagpapatawa. Hindi kayo tumatawa!" humahalakhak pa ring sabi ni Rufa Mae.