Maligayang-maligaya ang Popsters, ang matatapat na mga tagahanga ni Sarah Geronimo, dahil sa 20th anniversary concert ng kanilang idolo na magaganap sa Smart Araneta Coliseum sa May 12, 2023.
Read: Sarah Geronimo, may mensahe para kina Mommy Divine at Daddy Delfin
Opisyal na inanunsiyo ng Viva Live nitong Huwebes, March 16, ang pagbabalik ni Sarah sa concert scene at sa Araneta Coliseum para ipagdiwang ang dalawang dekadang anibersaryo ng kanyang singing career.
Huling napanood si Sarah sa Big Dome sa concert nila ni Regine Velasquez noog February 2020.
Babalik siya sa Araneta Coliseum as solo artist sa May 12 after This I5 Me, ang kanyang 15th anniversary show noong April 14, 2018, na idineklara bilang highest-grossing local concert in history.
Makalipas ang tatlong taon, nagkaroon ng digital concert si Sarah noong March 27, 2021, ang Tala: The Film Concert.
Read: Sarah Geronimo, sinorpresa ang Popsters sa announcement ng Tala The Film Concert
Ang coronavirus pandemic ang dahilan kaya sinubukan ni Sarah na itanghal ang kanyang first-ever digital film concert. Hindi siya nabigo dahil kinilala ang Tala: The Film Concert bilang top-selling digital concert of all time.
Para sa pagdiriwang ng dalawang dekada ng pagiging top entertainer ng bansa, hindi lamang performer si Sarah. Siya rin ang co-director ni Paolo Valenciano na isang milestone sa kanyang singing career.
Ang pagbabalik ni Sarah sa live concert scene ang dahilan kaya nag-trend sa Twitter Philippines ngayong Huwebes, March 16, ang kanyang upcoming concert, ilang minuto matapos ang opisyal na pahayag ng Viva Live.
At dahil sa kahilingan ng fans ni Sarah, magsisimula ang maagang pagbebenta ng tickets bukas, March 17.
Halos kasing-halaga ng presyo ng tickets sa concert ni Sarah ang tickets sa nakaraang concert ni Harry Styles sa Philippine Arena.
Fifteen thousand pesos ang halaga ng SVIP seats dahil mabibigyan ng pagkakataon ang manonood na makasama nang personal si Sarah sa Meet and Greet; P8,000 ang VIP; P6,500 ang Platinum; P4,000 ang Lower Box; P1,500 ang Upper Box; at P600 ang General Admission ticket prices.