Opisyal na ilulunsad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang Academic Film Society (AFS), sa Cinematheque Centre Manila, ngayong Sabado, March 18, 2023.
Maaaring maghain ng aplikasyon para maging miyembro ng AFS ang mga accredited Higher Educational Institutions (HEIs) na nag-aalok ng film, communication, visual arts o anumang kaugnay na programa ng kurso; accredited Senior High Schools na nagbibigay ng Special Program for the Arts; at mga student film organization na may sertipikasyon mula sa kanilang mga paaralan.
Ang mga miyembro ng AFS ay magkakaroon ng exclusive access sa FDCP Film School Workshops, sa mga pelikula ng FDCP library, sa mga mentor at resource person, pati sa JuanFlix, ang streaming platform ng FDCP, at sa Cinematheque Centres para sa exhibition purposes, ratings, permits, at promotion ng school events at programs.
Puwede ring mag-avail ng cash grant mula P30,000 hanggang P50,000 sa pamamagitan ng Student Film Assistance Program (SFAP) ang mga estudyanteng naka-enroll sa AFS-registered schools, institutes, colleges, at universities para magawa nila ang kanilang thesis films at capstone projects.
Obligadong dumalo sa isang Masterclass sa Film production ang SFAP grantees para maturuan sila ng mga teknikal na kaalaman at praktikal na kasanayan sa paggawa ng pelikulang makatutulong sa kanila sa pagbuo ng mga konsepto ng mga kuwento nila.
Ipinaliwanag nina FDCP Chairperson and CEO Tirso Cruz III, FDCP Technical Consultant Director Joey Reyes, at Development Support Division Manager Rica Arevalo ang magagandang layunin ng FDCP sa paglulunsad nito ng Academic Film Society nang humarap sila sa mga miyembro ng entertainment media noong Huwebes, March 16.
Pahayag ni Tirso, “The bigger picture here is the future of the Philippine movie industry talaga. It’s not just the education of the kids, not just the AFS, hindi lang yung opportunity nila to be able to learn abroad kapag nakukuha sila na nag-a-apply sila sa lab works and festivals, but this is the future of Philippine movies.
“We’re in a cycle. We work here right now. We grow old. We have to hand the baton down to the younger kids.
“Ngayon pa lang, i-hone na natin sila, what we have right now to help them or to extend help to them and opportunities na hindi nakuha before, eto ngayon, nandito.
“That’s why parang lumalabas na ang bilis ng development nitong AFS kasi nakikita rin namin talaga yung the force and the future. You talk about long-range planning, ito yon.
“Ngayon pa lang, nakikita na namin yung magiging result, yung end result."
Dagdag pa ng FDCP chairperson, “Si Direk Joey, nagtuturo talaga. Propesor siya so nakikita niya talaga ang actual problems.
"Sabi nga niya, ‘Hindi kami ganoon kalaki pero kung ano ang maitutulong namin, ibibigay namin.'"
Ibinahagi naman ni Direk Joey ang kundisyong hiningi nito nang alukin siya ni Tirso na magkaroon ng partisipasyon sa FDCP — ang pagtutok niya sa edukasyon ng mga kabataang filmmaker.
“Sabi ko, sasali ako kung i-intensify yung education. Yun kasi personally ang feeling ko, yun ang isang malaking kailangan na i-address natin.
“Yung to encourage young filmmakers and to develop the audience. Nung tinanggap ni Pip, sabi ko, 'Dun ako tututok, ha? Sa education, dahil nandoon ang puso ko.'”