Hiningi ng Cabinet Files ang reaksiyon ng magkapatid na Mark Anthony Fernandez at Rap Fernandez tungkol sa paglitaw ni Teodola Galacio, ang 85-year-old resident ng Cotabato na nagsabing kapatid niya ang yumaong action star na si Rudy Fernandez.
Si Mark ay anak ng yumaong aktor sa aktres na si Alma Moreno. Si Rap ang panganay na anak ni Rudy sa asawa nitong si Lorna Tolentino.
Si Rudy ay pumanaw dahil sa cancer noong June 7, 2008. Siya ay 56.
Ayon kay Mark, “Natutuwa ako dahil meron pa palang isang kapatid si Papa dahil si Tita Merle, buhay pa hanggang ngayon, saka si Tita Mary Ann.
“Sana magkita rin sila kung totoo yon at gusto ko rin na makasama sa gathering na yon."
Sabi naman ni Rap, “News organizations should fact-check and verify before publishing anything.”
Sa panayam ng reporter ng Brigada News FM Butuan, sinabi ni Lola Teodola na si Rudy ang panglima sa kanilang magkakapatid pero ipinaampon ito ng mga magulang nila bunga ng kahirapan.
Ikinuwento ni Lola Teodola na labing-apat na taong gulang siya nang isilang si Rudy ng kanilang ina, at siya raw ang nag-alaga rito.
Dahil walang trabaho ang tatay nilang si Marcelino at nagkasakit ang kanilang ina, ipinaampon umano si Rudy para magkaroon ito ng magandang buhay.
Ang umampon daw kay Rudy, na payat at walang mainom na gatas, ay kapitbahay nilang nakapag-asawa ng taga-Maynila.
Diumano, ang mga umampon kay Rudy ang nagparehistro ng pangalan nito kaya Fernandez ang naging apelyido ng bata na sumikat bilang artista.
Sabi pa ni Lola Teodola sa reporter na nag-interbyu sa kanya, nayakap sana niya si Rudy bago ito binawian ng buhay.
Mapapansing may mali sa salaysay ni Lola Teodola dahil sa kuwento nitong panglima at bunso si Rudy sa pitong magkakapatid.
Tama ang sinabi ni Rap na dapat mag-fact check ang mga news organization bago maglabas ng balita para hindi mapagdudahan ang kredibilidad ng kanilang mga ulat at mapagbintangan silang nagkakalat ng fake news.
At gaya ng pahayag ni Mark, buhay pa ang mga kapatid ng kanyang ama, ang former actress na si Merle Fernandez at si Mary Ann, na higit na nakakaalam sa kuwento ng buhay ng namayapang aktor.
Pitong taong gulang lamang si Rudy nang magsimula ang acting career niya na tumagal ng halos limang dekada.
Sikat na sikat na artista si Rudy noong nabubuhay pa ito.
Sa matagal na panahong pamamayagpag niya bilang aktor at kung kailan labinlimang taon na siyang namamayapa, ngayon lamang lumitaw at nagsalita si Lola Teodola kaya talagang pagdududahan ang kuwento nito.