Para sa mga tagasuporta ni Bea Alonzo at ng mga nakapanood sa report ng TV Patrol noong Martes, April 18, 2023, kawalan ng respeto at tila sinadyang huwag banggitin ang pangalan ng aktres.
Si Bea ay prized talent ng ABS-CBN sa matagal na panahon, pero opisyal na lumipat sa GMA-7 noong July 1, 2021.
Read: Bea Alonzo inks exclusive contract with GMA Network
Kabilang si Bea sa mga inimbitahang magkaroon ng espesyal na partisipasyon sa Ang Larawan, ang all-star concert na magtatampok sa mga musika mula sa dula at pelikulang Ang Larawan na katha ni National Artist for Literature Nick Joaquin.
Ang National Artist for Music na si Ryan Cayabyab ang musical director ng star-studded concert na libreng itatanghal at mapapanood sa Metropolitan Theater sa May 6, 2023.
Eksklusibong kinunan ng ABS-CBN News noong Lunes, April 17, ang pag-eensayo ng mga artistang kasali sa magaganap na concert.
Pero sa report ni MJ Felipe para sa TV Patrol kagabi, hindi binanggit ang pangalan ni Bea kahit nakita ang Kapuso actress sa inilabas na video at litrato.
Sinabi sa ulat ng TV Patrol na gaganap na Candida at Paula sina Celeste Legaspi at Agot Isidro sa Act 1; sina Karylle at Aicelle Santos sa Act 2; samantalang sina Rachel Alejandro at Bituin Escalante ang magbibigay-buhay sa karakter ng magkapatid na Marasigan sa Act 3.
Maliban sa pangalan ni Bea, isa-isang binanggit sa TV Patrol report ang mga pangalan ng lahat ng kasama sa concert: sina Hajji Alejandro, Nonie Buencamino, Mitch Valdes, Ricky Davao, Kakai Bautista, Cathy Teodoro, Markki Stroem, at Jericho Rosales.
Ang mga hindi binanggit na pangalan ay tinuran bilang "at iba pa."
Naghinala ang mga tagahanga ni Bea at ng mga nakapanood ng ulat na sinadyang huwag banggitin ang kanyang pangalan at isinama na lamang siya sa “at iba pa” — sa kabila ng katotohanang isa siya sa may pinakamalaking pangalan sa cast — dahil sa pag-alis niya sa ABS-CBN at paglipat sa GMA-7.