Kinumpirma ni Boobay ang balitang pansamantala siyang hindi mapapanood sa late-night weekly show ng GMA-7 na The Boobay and Tekla Show dahil pagtutuunan niya ng pansin ang kanyang kalusugan.
Read: Boobay, pinagpahinga muna ng GMA-7 sa 'TBATS'; Buboy Villar, magpi-pinchhit sa kanya
Marami ang nag-alala nang labis para sa kalagayan ni Boobay nang magkaroon siya ng silent seizure sa live guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong April 20, 2023.
Read: Boobay, "nag-hang" habang ini-interview sa Fast Talk With Boy Abunda
Ito ang isa sa mga pinaghihinalaang dahilan kaya magbabakasyon ang komedyante mula sa comedy talk show nila ni Super Tekla sa Kapuso Network.
“Yes, po. Pansamantala lamang po ay hindi muna ako makikita sa The Boobay and Tekla Show,” pag-amin ni Boobay nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Martes ng gabi, May 23.
“Okay naman po ako. Naka-lifetime maintenance medicine po ako. Twice a day na po ako nagte-take ng gamot na pang-anti-seizure.
“Kailangan lang po muna na i-observe kung magiging effective po ang gamot ko.
"At sa kabutihang palad naman ay hindi na po ulit ako nagka-seizure simula nung nagpa-check up po ako at nag-take ng gamot.
“Kailangan ko na lang po ng clearance mula sa aking doktor para makabalik na po ako sa taping.”
Naiintindihan daw ni Boobay ang pasya ng management ng GMA-7 na pagpahingahin muna siya kaya ipinaaabot niya ang taus-pusong pasasalamat sa lahat ng mga nagmamalasakit at nagdarasal para sa kanyang kalusugan.
Mensahe niya, “Sobra po ang pasasalamat ko sa mga Kapuso na masugid na nakasubaybay sa bawat episode namin, sa aming pamilya sa The Boobay and Tekla Show, at sa aming mga boss sa GMA-7.
"Maraming-maraming salamat sa GMA-7 management dahil sa pang-unawa, concern, at pagmamahal nila sa akin.”