Si Randall Mercurio ang kinatawan ng Filipino community sa Canada sa Mister Globalmodel International 2023 na magaganap sana sa Cebu City noong May 21, 2023.
Pero hindi natuloy ang pageant dahil, diumano, nagkaroon ng problema sa kalusugan ang pageant organizer.
Sinubukan ni Randall na bawiin ang ibinayad nito sa pamasahe sa eroplano papunta sa Pilipinas, pero hindi na umano puwede kaya itinuloy niya ang pag-uwi sa bansa para magbakasyon at mabisita ang kanyang mga kamag-anak sa Zambales.
Hindi naman nabalewala ang pagbabalik-bayan ni Randall dahil siya ang muling pinili bilang representative ng Filipino community sa Canada sa Misters of Filipinas 2023 na idaraos sa September 2023.
May kinahaharap na problema si Randall dahil siya rin ang magiging delegado ng Canada sa Mister Intercontinental Tourism na magaganap sa Colombia sa July 2023.
Nag-aalala siyang baka maapektuhan ang kanyang dalawang trabaho bilang manager ng KFC branch sa Alberta at empleyado ng isang architectural design company.
Advocate si Randall ng mental health dahil sa depresyon na pinagdaanan sa edad na 16 nang mag-migrate sa Canada ang pamilya nila.
Ito ang isusulong niya sa kanyang nalalapit na paglaban sa Mister Intercontinental Tourism sa Colombia at Misters of Filipinas.
Pagbabahagi ni Randall, “When I went there, I feel like I’m alone even if I was with my family. Siguro dahil na rin sa adjustments.
"Pero noong natapos na ang depression ko, nag-decide ako na maging inspirasyon sa iba.
“Kasi kung nagawa kong malampasan ang depression, makakaya ko na ipaalala sa iba na magagawa rin nila.”
Ayon kay Randall, mataas ang suicide cases sa Canada tuwing taglamig at itinuturing niya ang sariling mapalad dahil kahit dumanas siya ng depresyon, hindi sumagi sa kanyang isip na saktan ang sarili o magpakamatay.
Malaking tulong umano ang pagmamahal na ipinaramdam sa kanya ng pamilya niya.
Si Randall ang hinirang na Mr. Pilipinas Canada noong 2021.
Dahil isang self-taught designer, siya na rin ang gumagawa ng mga damit na ginagamit niya sa mga male pageant na kanyang nilahukan.
Walang ipinagkaiba si Randall kay Miss Universe 2023, ang Filipino-American na si R’Bonney Gabriel na isang fashion designer kaya ito rin ang tumatahi sa mga damit na isinusuot.
Kuwento niya, “Pumupunta po ako sa mga thrift shop tapos nire-redesign ko yung clothes sa style na gusto ko.
“Denims ang specialty ko, denim jackets. Pagbalik ko sa Canada, ita-try ko naman na mag-create ng pants.
“Self-taught designer po ako. Natuto lang ako sa panonood sa YouTube at pagbabasa ng books. Yung mga isinusuot ko po sa mga pageant, ako ang nag-design.”