Si Pam Miras ang sumulat ng kuwento ng Kitty K7, ang pelikulang pinagbidahan ni Rose Van Ginkel at napanood sa Vivamax simula noong July 8, 2022.
Ganap na ang kanyang pagiging direktor dahil siya rin ang sumulat at direktor ng Stardancer na pinangungunahan ng former P-Pop Generation member na si Denise Esteban.
Si Rose ang gumaganap na kontrabida sa karakter ni Denise sa Stardancer.
Marami ang nagtataka dahil tinanggap niya ang proyekto, kahit nagbibida na siya sa mga pelikula ng Vivamax.
Malaki ang kinalaman ni Pam —second unit director ng Maria Clara at Ibarra ng GMA-7 — sa pagpayag ni Rose na gumanap bilang suporta ni Denise sa Stardancer.
Ito ang ipinagtapat ni Rose sa digital media conference ng kanilang pelikula na naganap nitong Miyerkules ng hapon, May 24, 2023.
Paliwanag niya, “Actually, hindi ko naman concern talaga kung bida o hindi. I love working with Direk Pam.
"Sobrang thankful ako sa Kitty K7 so gusto ko ulit talaga siya na maka-work. Isa yon sa reason kung bakit ako nag-yes dito sa project."
Hindi naramdaman ni Rose na nadehado siya sa role niya sa Stardancer at naniniwalang mapapansin ng manonood ang kanyang ipinamalas na pag-arte.
“In the middle na po ako nag-start, pero yung mga scene ko, talagang todo siya. Kapag sinabing away, kapag sinabing drama, may ganoon siya.
"Kaya nga sabi ko, kahit small lang na role, parang mapapansin talaga ako ng manonood at yun naman ang important.
“Nag-try din ako na ibigay yung best ko every scenes kasi ang feeling ko, yun ang dapat. Kahit maliit lang ang role mo, mapapansin ka at matatandaan ng mga tao. It means na magaling ka na aktres.”
Strip dancer sa isang club ang karakter ni Rose sa Stardancer, at si Odessa na ginagampanan ni Denise ang mahigpit na karibal niya.
Sinabi ni Rose na kumpara sa ibang mga sexy movie na ginawa niya, kakaiba ang role niya sa Stardancer.
“Ako yung type of person na ito yung way of living ko, ito yung pinagkakakitaan ko, pero hindi yung tipo na sumosobra sa dance. Kumbaga, dancer lang talaga.
“Ang sarap sa feeling dahil light lang ang ginawa ko for this movie compared to other na ginawa ko sa Vivamax. Mas lighter po ito.”