May konkretong dahilan para magbunyi at magalak ang mga tagasuporta ng love team nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo.
Malaki ang posibilidad na muli silang magtambal sa isang pelikula bago matapos ang 2023.
Naganap ang pag-uusap nina John Lloyd at Sarah sa opisina ng Viva Films sa Pasig City nitong Huwebes ng umaga, May 25, 2023.
Ang kanilang reunion movie ang tinalakay nila.
Nakumpirma ang muling pagsasama nina John Lloyd at Sarah sa isang proyekto dahil sa Instagram post ng singer-actress ngayong Huwebes ng gabi—ang litrato nila ni John Lloyd na magkasama sa board room ng Viva Films.
Ang binabalak na proyekto na pagbibidahan nina John Lloyd at Sarah ang ika-limang proyektong pagsasamahan nila.
Unang nagtambal ang dalawa sa A Very Special Love noong 2008. Ang box-office gross nito ay P185,235,324.
Sinundan ito ng You Changed My Life In A Moment noong 2009. Kumita ito ng P232,209,42 sa box office.
Pangatlo ang It Takes a Man and a Woman noong 2013. Nagkamal ito ng P387 million sa takilya.
Anim na taon na ang nakalilipas mula nang huling magtambal sina John Lloyd at Sarah sa pamamagitan ng pelikulang Finally Found Someone, na ipinalabas sa mga sinehan noong July 26, 2017. Umabot sa P316.5 million ang kinita nito sa takilya.
Ang mahigit isang bilyong pisong box-office gross ng mga pelikulang nagawa nina John Lloyd at Sarah ang matibay na pruwebang malakas ang hatak nila dahil tinatangkilik ng publiko ang lahat ng kanilang mga proyekto.
Ito rin ang dahilan kaya marami na ang nag-aabang sa reunion movie ng dalawa.