Takaw-pansin ang makapal na bigote ni Senator Robin Padilla sa opisyal na pagbubukas ng Viva Café, ang bagong events place na pag-aari ni Boss Vic del Rosario ng Viva Entertainment, sa ground floor ng Cyberpark Tower 1 ng Araneta City, Cubao, Quezon City, noong Huwebes ng gabi, May 26, 2023.
Sina Robin at Martin Nievera ang mga panauhing pandangal sa event.
May kinalaman ang pagpapatubo ni Robin ng bigote sa bagong pelikula na pagbibidahan niya, ang Plaridel.
Ang Plaridel ay tungkol sa kuwento ng buhay ni Marcelo H. del Pilar (August 30, 1850 – July 4, 1896), isa sa mga itinuturing na bayani ng ating bansa. Kabilang siya sa mga lumaban sa mga Kastila para magkaroon ng tunay na kalayaan ang Pilipinas.
Naging inspirasyon noon ng mga Pilipino sa paglaban sa mga mananakop ang mga akda ni Del Pilar na gumamit ng sagisag-panulat o pen name na Plaridel.
Anim na taon na ang nakalilipas mula nang magplano si Robin na isalin sa pelikula ang kuwento ng buhay ni Del Pilar kaya nagpatubo na siya noon ng bigote. Pero inahit din niya dahil sa pelikulang ginawa nila ni Sharon Cuneta, ang Unexpectedly Yours.
Hindi na natuloy ang plano ni Robin na gawin at ipalabas ang Plaridel sa mga sinehan noong December 2017 dahil marami na ang nangyari, tulad ng coronavirus pandemic hanggang mahalal siyang senador ng Pilipinas noong May 2022.
Incidentally, bukod kina Robin at Martin, dumalo rin sa pagbubukas ng Viva Café sina Xian Lim, Janno Gibbs, Wilbert Ross, Heaven Peralejo, Marco Gallo, Lyca Gairanod, Ayanna Misola, at iba pang mga contract star ng Viva Films.
Martin Nievera and Robin Padilla with Boss Vic del Rosario (center)
Ang Viva Café, na may operating hours na 4 p.m. hanggang 2 a.m., ang magiging venue ng mga pagtatanghal ng Alamat band, P-Pop Generation, at ng mga recording artist ng Viva Records, pati na ng mga press conference ng mga proyekto ng Viva Films.