Ang television adaptation ng Bakit Manipis ang Ulap?, na napanood sa TV5 mula February 15, 2016 hanggang April 22, 2016, ang huling drama series project ni Cesar Montano.
Ang orihinal na movie version ay idinirek ni Danny Zialcita noong 1985, at pinangunahan nina Janice de Belen, Mark, Gil, Chanda Romero, at Tommy Abuel.
Makalipas ang pitong taon, muling magbabalik sa telebisyon si Cesar dahil sila nina Cristine Reyes at Marco Gumabao ang mga bida sa television remake ng Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan na mapapanood sa TV5 simula sa July 10, 2023.
Nagsimula noong May 18 ang taping ni Cesar para sa bagong television show na tinatampukan din nina Lito Pimentel, Mickey Ferriols at Felix Roco.
Ginagampanan ni Cesar sa Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan ang karakter na binigyang-buhay ni Eddie Garcia sa pelikula ng Viva Films na ipinalabas sa mga sinehan noong November 7, 1983 at pinagbidahan nina Christopher de Leon at Vilma Santos.
Si Carlo Caparas ang sumulat ng kuwento ng Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan at mula ito sa direksyon ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Marilou Diaz-Abaya na mentor ni Cesar noong nabubuhay pa siya.
Si Marilou ang direktor ng Jose Rizal, Muro-Ami at Bagong Buwan, ang mga award-winning film na nagbigay kay Cesar ng mga Best Actor trophy mula sa iba’t ibang award-giving body noong dekada ’90.
Para sa television remake ng Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan, si Jerome Pobocan ang direktor ng bagong drama series project ng Viva Television.