Bago natapos ang Eat Bulaga! ngayong Sabado ng hapon, June 10, 2023, may madamdaming pakiusap si Paolo Contis.
Hiling niya: Huwag idamay sa mga batikos at panghuhusga ang staff at production crew na hindi sumama sa pamamaalam nina Tito Sotto, Joey de Leon, Vic Sotto, at ng Dabarkads sa TAPE Inc.
READ: (UPDATED) Tito Sotto reveals "exodus" of Eat Bulaga! hosts, production staff from TAPE
Pero bago ang lahat, nagpasalamat muna siya sa unang linggo ng pag-ere ng longest-running noontime show nang wala ang original hosts na sina Tito, Vic & Joey, o mas kilala bilang TVJ.
Kasama ni Paolo bilang kapalit sina Betong Sumaya, Buboy Villar, pati na rin sina Mavy at Cassy Legaspi.
Panimula ni Paolo:
"Mga Dabarkads, unang Sabado po namin ngayon, and, guys, congratulations to us. Naka-isang linggo tayo.
"Lahat ng pagod, lahat ng efforts na araw-araw makasama namin kayo, lahat ng pang-aalipusta, lahat ng pamba-bash, lahat ng pagpupuna sa amin ng mga tao, lahat po iyan, inspirasyon namin iyan to do better. Binabasa po namin lahat iyan.
"Pero siyempre, yung mga magagandang comments, nababasa rin po namin iyan kaya maraming-maraming salamat po sa inyo."
Pagkatapos ay nagbigay-pugay siya sa mga empleyado ng Eat Bulaga! na nagtatrabaho sa likod ng kamera.
“Ngayon, bukod sa kayo ang aming inspirasyon, mga Dabarkads, isa pa sa mga inspirasyon namin, e, yung mga Dabarkads namin dito sa studio.
"Iyan po yung mga nasa likod ng kamera, yung mga staff, writers, yung crew, yung mga boss namin, lahat po iyan, inspirasyon namin iyan.
"Umaga hanggang gabi, nagtatrabaho po sila. Umaga hanggang gabi, nagtatrabaho iyan para pagdating namin dito sa studio, masaya kayo, at alam na namin ang gagawin namin. Sila ang dahilan kaya alam namin ang ginagawa namin.
"Ngayon, gaya po ng programang Eat Bulaga!, itong mga staff and crew po namin, pinili po nila na hindi rin mang-iwan dahil may mga pamilya sila na nangangailangan. Sila po ang nagpapakain sa mga pamilya nila.
"Iyan po ang dahilan, isa sa mga dahilan, kung bakit hindi nila tayo iniwan.
"Ang Eat Bulaga! po, hindi lang po kami iyan. Hindi po mga artista iyan. Kasama po lahat ng nasa likod ng kamera para maitaguyod po namin yung programa para sa inyo."
Patuloy niya, "Ngayon, nagkaiwanan, ang pinakaapektado po, sila! Kasi kaming mga artista, may iba kaming show. May iba kaming puwedeng pagkakitaan. Ito po ang kabuhayan nila.
“Masakit sa akin kapag bina-bash niyo sila! Ako, sanay ako diyan—breakfast, lunch, dinner. Ako ang i-bash niyo, okay lang sa akin.
"Kasi po, we will do our best para maging masaya po kayo, pero sana lang po, huwag niyo na pong idamay yung staff at yung crew. They don’t deserve it. Maybe I do, maybe I do, but they don’t!
"So kami na lang, sanay na kami diyan. Sila po, ang staff, ang crew, sila po ang tunay na Eat Bulaga!” ang litanya ni Paolo na nagpaluha sa staff at production crew ng longest-running noontime variety show.
Samantala, nangako naman si Isko Moreno na babalik siya sa Eat Bulaga! sa Lunes bilang co-host, isang pahiwatig na nagustuhan niya ang kanyang co-hosting stint ngayong Sabado.
READ Isko Moreno muling sinayaw ang signature dance matapos ang "30 years"
Ipinakilala si Isko bilang guest co-host ng Eat Bulaga!, pero binigyan siya agad ng sariling segment, ang "G sa Gedli."
Kasama ni Isko si Buboy Villar sa gilid ng Marcos Highway, Cainta sa pagpara sa mga mapapalad na delivery guy, jeepney drivers, at pasahero na sinosorpresa nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng perang panggastos.