Ikinatuwa ng mga kababaihan ang pahayag ng Miss Universe Organization tungkol sa elimination of all age limits sa mga interesadong sumali sa Miss Universe 2024.
Pero kasabay nito ang malungkot na balita tungkol sa mga empleyado ng JKN Global Group na mawawalan ng trabaho dahil sa malaking problema sa pananalapi na kinakaharap ng Thai multinational conglomerate ni Anne Jakrajutatip.
Si Jakrujatatip ang nagmamay-ari rin sa Miss Universe Organization.
Sa ulat ng Spacebar Thailand, iniyakan ni Anne sa ginanap na employees conference ang anunsiyong magsisimula ang pagbabawas ng mga manggagawa sa kanyang kompanya sa Biyernes, September 15, 2023.
Read: Miss Universe Organization owner Anne Jakrajutatip faces debt problem
Samantala, pinabulaanan ni Anne ang balitang ipinagbili niya sa halagang 500 million baht sa TOP News ang JKN18, ang terrestrial television channel na isa sa mga subsidiary ng JKN Global Group.
Sa pamamagitan ng notification sa Stock Exchange ng Thailand noong September 11, 2023, nilinaw ni Anne na nagkaroon lamang sila ng kasunduan sa TOP News na magprodyus ng mga news program na ipalalabas sa JKN18 simula sa September 18, 2023.
Bukod sa JKN18, ang JKN Global Group ang may-ari ng JKN Dramax, ang television channel na mga drama program mula sa India at Pilipinas ang napapanood.
Ang mga drama series ng ABS-CBN at GMA-7 ang ipinalalabas sa JKN Dramax kaya kilala sa Thailand ang mga artista ng Kapamilya at Kapuso Network.
Sa kabila ng mga sunod-sunod na problema na may kinalaman sa pera ng kanyang kompanya, tiniyak ni Anne na matutuloy sa November 18, 2023 ang 72nd Miss Universe na magaganap sa El Salvador.