Star-studded ang "Kosmos, Pagtitipon ng mga Bituin" na nangyari sa Cities Events Place, Sgt. Esguerra Avenue, Quezon City, noong Biyernes, Setyembre 15, 2023.
Si Senator Robinhood Padilla ang nag-organisa ng "Kosmos," na may layuning magsama-sama ang mga artista para magbigay ng tanglaw sa industriya ng telebisyon at pelikulang Pilipino.
Higit sa lahat, tinalakay sa "Kosmos" ang mga probisyon sa House Bill No.1270 o An Act instituting policies for the protection and promotion of the welfare of workers or independent contractors in the film, television and radio entertainment industry — na kilala bilang Eddie Garcia Law — para lalong sumigla ang industriya ng telebisyon at pelikula sa Pilipinas.
Read: House passes “Eddie Garcia Bill” ensuring protection of entertainment industry workers
Ipinangalan ang batas sa veteran actor na si Eddie Garcia, na naaksidente sa taping ng isang television series na naging sanhi ng kanyang kamatayan sa edad na 90 noong June 20, 2019.
Read: Legendary actor Eddie Garcia dies at 90
Matagal nang hindi nagkakaroon ng pagtitipon ang mga artista na bihira nang masilayan ng publiko, pero nasaksihan sa "Kosmos" ang pagkakaisa ng lahat para ipakita ang kanilang suporta sa Philippine movie at television industry.
Dahil kay Robin, nagsama-sama ang napakaraming artista na aktibo pa at hindi na aktibo sa pag-arte na tila matatagalan bago maulit.
Kabilang sa mga dumalo sina Senator Jinggoy Estrada, Senator Bong Revilla, Phillip Salvador, Coco Martin, FDCP Chair Tirso Cruz III, Maricel Soriano, Bayani Agbayani, Mariel Rodriguez, Dolly de Leon, Ruru Madrid, Boots Anson-Rodrigo.
Naroon din sina Gladys Reyes, Congresswoman Lani Mercado, Tonton Gutierrez, Jay Manalo, Jaclyn Jose, Ara Mina, Monsour del Rosario, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Angelu de Leon, Karla Estrada, Maritoni Fernandez, Rina Reyes, Monsour del Rosario, Nadia Montenegro, Ricardo Cepeda, Bembol Roco...
Pati na sina Anjo Yllana, Ruffa Gutierrez, Annabelle Rama, Eddie Gutierrez, Iza Calzado, Niño Muhlach, ang Viva Entertainment producers na sina Vincent at Val del Rosario, ang mga miyembro ng Viva Hotbabes, ang mag-asawang Patricia Javier at Dr. Rob Walcher.
Isa rin si Bayani Agbayani sa mga dumalo sa Kosmos at siya ang nakausap ng Cabinet Files tungkol sa pagtitipon na naganap kagabi.
Kuwento niya, “ Pumunta ako dahil maganda ang layunin ng mga kapatid natin sa industriya na nakaupo ngayon sa legislative branch of our government, sina Senator Jinggoy, Bong, Congresswoman Lani at Senator Robinhood.
“Gusto nilang ipatupad na ang Eddie Garcia Law kung saan isa sa mga nakasaad ay ang pagbibigay halaga sa oras ng pagtatrabaho ng mga tao sa showbiz industry na sana man lamang ay hindi inaabuso ang ating oras sa pagpupuyat at pagpapakahirap na umaabot sa isa o dalawang araw.
“Bente kuwatro oras nang nagtatrabaho ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon na nagiging sanhi ng sakit, kamatayan, aksidente ng mga tao sa likod at harap ng kamera.
“Sa tingin ko, umpisa pa lamang ito at marami pang batas na gagawin para sa kapakanan ng mga taga-showbiz industry.
“Hindi lamang sa mga artista maging sa mga nasa likod ng kamera, kasama na rin ang mga producer at mga may-ari ng television network.”