Pakiusap ni Lolit Solis sa kaso ni Bong Revilla: "Bigyan na natin ng ending. Guilty or not guilty."

May reaksyon ang talent manager na si Lolit Solis tungkol sa balita na kinumpiska ng Philippine National Police (PNP) ang cellphone ng kanyang talent, si former Senator Bong Revilla, Jr. dahil sa selfie photo nito na lumabas sa Facebook.


Regular na dinadalaw ni Lolit si Bong sa PNP Custodial Center kaya alam niya na mahigpit ang mga pulis na nakabantay sa detention cell ng actor-politician.

May isang insidente na hiningal nang husto si Lolit dahil sa malayo at mala-maze na daan patungo sa selda ni Bong.

Nilutas ng PNP ang problema sa pamamagitan ng pagpayag sa mga senior citizen visitors na dumaan sa gate na malapit sa kulungan ni Bong.


“Alam ko na hindi dapat at bawal ang anumang gadget sa loob ng Crame, kaya bawal ang cellphone,” simulang kuwento ni Lolit.

“Grabe ang higpit ng mga bantay na pulis pero isang bagay na masasabi ko, marespeto sila sa mga dalaw dun.

“Kinakapkapan bawat dalaw, bata man o matanda, hinahalungkat ang mga dala, pagkain o bag. Odinaryo, artista o politiko na dumadalaw, dapat may ID, dapat kapkapan. Pero sabi ko nga, kahit mahigpit, marespeto nila ginagawa at nakikiusap.

“For four years na dumadalaw ako sa Crame, nung dalawa pa silang senador ni Jinggoy Estrada at Bong Revilla, hanggang ngayon, never ako nagdala ng cellphone sa loob.

“Ang dami sana memorable photos na naipon at nagamit ng mga kaibigang press kung sakali. Like nang dumalaw si Gretchen Barretto, una naming pagkikita nang matagal-tagal ni Gabby Concepcion, nang dumalaw si Andrea Torres at Kim Domingo, yung ilang beses na pagdalaw ni Rhian Ramos, Jennylyn Mercado at Katrina Halili.

“Ngayon nga, hindi ko na hihilingin dalawin ng mga alaga ni Jonas Gaffud na Bb. Pilipinas candidates si Bong dahil sa higpit, ayoko naman kinakapkapan sila ng mga policewomen.

“Four years na, ayoko na tanungin ang legal strategy ng mga abogado ni Bong, mula kay [Atty. Joel] Bodegon hanggang ngayon kay [Atty.] Estelito Mendoza, dahil bakit nakalabas sina [Juan Ponce] Enrile at Jinggoy, pero andun pa rin si Bong?

“Pasalamat na lang kay God dahil nanggaling silang pamilya sa Holy Land bago siya nakulong kaya very strong ang kanilang spiritual at emotional components.

Dasal na lang ang tanging hinahawakan ni Bong. Issue yung lumabas na photo? Kuha ito nung Christmas furlough ni Bong nang lumabas siya December 24 last year.

“Please, huwag na natin lagyan ng asin ang sugat. Apat na taon, hanggang kailan pa magtitiis si Bong? Hanggang kailan n’yo pa ita-try to break his spirit, his capacity to endure?

“Please, I pray, we pray, tapusin na ito, hindi na maibabalik ang apat na taon pero bigyan na natin ng ending. Guilty or not guilty, please decide, please,” ang pakiusap ni Lolit na ramdam din ang hirap at pagod na pinagdaraanan ni Bong na naging kontrobersyal ang paggunita noong June 20 sa apat na taon na pagkakakulong niya sa Camp Crame.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN