Isang malaking sorpresa para sa fans at supporters ni Edu Manzano ang desisyon nitong kumandidato na house representative ng lone district ng San Juan City sa eleksyon sa May 2019.

Aksidente lang na nadiskubre ng Cabinet Files ang planong pagtakbo ni Edu dahil kasama ang pangalan at ang litrato niya sa One San Juan na lumabas ngayon sa social media.
Ang One San Juan ang team nila ni San Juan Mayoral candidate Janella Estrada at ng running mate nitong si Boy Celles.

Reportedly, ngayong hapon, October 16, ang filing ni Edu ng certificate of candidacy.
Matagal nang residente ng San Juan si Edu at hindi ito baguhan sa public service dahil nagsilbi siya na bise-alkalde ng Makati City noong 1998.
Kumandidato si Edu na bise presidente ng Pilipinas sa eleksyon noong May 2010 at hindi pinalad na manalo, pero naging halimbawa siya ng "art imitates life."
Kahit kontrabida ang kanyang role, minahal si Edu ng televiewers bilang Lucas Cabrera, ang vice president ng bansa sa Ang Probinsyano, ang top-rating primetime action drama series ni Coco Martin sa ABS-CBN.
Hindi makakaapekto sa participation ni Edu sa Ang Probinsyano ang pangarap niyang muling makapaglingkod sa bayan dahil magsisimula sa March 30 at magwawakas sa May 13 ang pangangampanya ng mga kakandidato na house representative.
Sa panahong yun, posibleng tapos na rin ang telecast ng primetime program nila ni Coco.