Sa pamamagitan ng kanyang social media administrator, nagpasalamat si former Senator Bong Revilla Jr. sa lahat ng mga supporter niyang sinamahan ang kanyang misis na si Lani Mercado sa COMELEC office sa Intramuros, Manila, ngayong Miyerkules, October 17.
Isinumite ni Lani ang certificate of candidacy (COC) ni Bong, na tatakbong muli bilang senador sa 2019 mid-term elections.

Pahayag ni Bong, "Maraming-maraming salamat po!
"Hindi maipaliwanag ng salita ang nag-uumapaw kong pasasalamat bunga ng pagbuhos ng inyong pagmamahal.
"Nabigla ako sa pagdagsa ninyo at pagpapahayag ng walang humpay na suporta at tiwala.
"Salamat po sa mga kababayan natin mula sa Bacoor, sa Maynila, at sa iba't ibang panig ng bansa.
"Salamat sa mga stuntman at dati kong kasamahan sa industriya.
"Salamat sa aking mga kapatid at pamilya sa pangunguna ni Lani. Salamat po sa inyong lahat!
"Sa ngalan ng katotohanan at pagmamahal sa bayan, TULOY ANG LABAN!"
Apat na taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center ng Camp Crame dahil sa paratang na sangkot siya sa PDAF scam ng businesswoman na si Janet Napoles.
Kahit nakapiit sa Camp Crame, hindi nawawala ang pangalan ni Bong sa mga survey para sa mga senatoriable na nais ihalal ng mga tao at ito raw ang naging inspirasyon niyang muling bumalik sa senado.
Nanungkulan si Bong bilang senador mula 2004 hanggang 2016.
Si Lani ang official representative ni Bong sa paghahain sa Comelec ng certificate of candidacy ng action star na senatorial bet ng Lakas-CMD sa eleksyon sa May 2019.
Kasama ni Lani na nagpunta sa Comelec ang mga anak nila ni Bong na sina Bryan at Jolo Revilla at ang kanyang mga brother in-law na sina Marlon at Stryke Revilla.