Kasali kahapon sa Grand Christmas Parade sa McKinley Hill, Taguig City, ang float ng The Girl in the Orange Dress, ang pelikula ng Quantum Films na official entry sa 44th Metro Manila Film Festival at pinagbibidahan nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola.
Conspicuously absent si Jericho sa Grand Christmas Parade dahil nagpapagaling pa siya sa dengue kaya ang mga co-star niya na sina Jessy, Ria Atayde, at Hannah Ledesma ang tanging sakay ng float ng The Girl in the Orange Dress.
Noong December 4, nakadalo pa si Jericho sa grand presscon ng filmfest nila ni Jessy at walang senyales na mabigat na ang pakiramdam niya dahil sa dengue.

Sa presscon ng The Girl in the Orange Dress, hiningan ng reaksyon si Jericho tungkol sa hindi natuloy na plano ni Jessy na mag-quit sa showbiz dahil naranasan din niya noon na magkaroon ng “burn out“ feeling na resulta ng sobrang pagod sa kanyang mga patung-patong na showbiz commitment.
“I guess everyone goes through that. Marami talagang dumadaan doon. I’m thankful for the people na nagbigay sa akin ng advice.
“Everyone goes through it, e. Especially, 'pag pagod ka. So nagkataon lang na pagod din ako, emotionally, mentally, physically, and I needed some spiritual strengthening and healing. But siguro para sa isang artist na passionate about it, it may stop her but kung nandoon talaga, babalik at babalik kahit ano pa ang sabihin ng mga tao,” ang sagot ni Jericho na naiintindihan ang mga pinagdaraanan ni Jessy na muntik nang talikuran ang showbiz dahil sa mga below-the-belt na komento ng haters at bashers.
Nagbago lang ang isip ni Jessy na iwanan ang entertainment industry dahil dumating ang alok ng Quantum Films na magbida siya sa The Girl in the Orange Dress.